MANILA, Philippines – Nagbabala ang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa posibleng pagtaas ng presyo at kakulangan sa suplay ng isda dahil sa taunang closed fishing season sa ilang pangunahing pangisdaan sa bansa.
Ayon sa grupo, maaaring maapektuhan ng pansamantalang pagbabawal sa pangingisda ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda at suplay ng isda sa mga pamilihan, lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
Sa pahayag na iniulat ng Inquirer nitong Lunes, Nobyembre 9, sinabi ni Pamalakaya national chairperson Fernando Hicap na magkakaugnay ang epekto ng fishing ban sa kita ng mga mangingisda, produksyon at presyo ng isda.
“Kapwa ang mga mangingisda at ordinaryong mamimili ang nagdurusa sa panahon na isinasailalim ang mga mayor na pangisdaan sa closed season,” ani Hicap.
Kabilang sa mga lugar na may seasonal fishing restrictions ang Visayan Sea, Zamboanga Peninsula, Palawan, Balayan Bay sa Batangas at Tayabas Bay sa Quezon.
Sa Visayan Sea, ipatutupad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang tatlong buwang closed fishing season mula Nobyembre 15, 2026 hanggang Pebrero 15, 2027.
Saklaw nito ang panghuhuli ng ilang uri ng sardinas, tamban, herring at mackerel upang mabigyan ng pagkakataong makapagparami ang mga isda.
Samantala, nagsimula na rin ang mga restriksyon sa Tayabas Bay noong Nobyembre 1 sa ilalim ng Fisheries Administrative Order No. 274, na naglilimita sa paggamit ng ilang commercial fishing gear sa panghuhuli ng tamban.
Nilinaw naman ng Pamalakaya na hindi nito lubusang tinututulan ang mga hakbang para sa konserbasyon ng yamang-dagat.
Gayunman, nanawagan ang grupo na huwag isama sa mga ipinagbabawal ang maliliit na mangingisdang gumagamit ng mga pamamaraang hindi nakasisira sa karagatan.
Hiniling din nitong tiyakin ang sapat na suporta sa kabuhayan ng mga apektadong mangingisda at gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ang kakulangan sa suplay at pagtaas ng presyo ng isda.
Nagbabala rin ang Pamalakaya laban sa posibleng pag-angkat ng isda bilang tugon sa kakulangan sa suplay, na ayon sa grupo ay maaaring higit pang makasama sa lokal na industriya.
Samantala, iginiit ng BFAR na layunin ng closed fishing season na maprotektahan ang mga isda sa panahon ng pangingitlog at mapanatili ang sapat na suplay sa pangmatagalan. Santi Celario