MANILA, Philippines – Arestado ang 62-anyos na lolo na wanted sa kaso na may kaugnayan sa droga sa Valenzuela City nang matunton ng pulisya sa pinagtataguang lugar sa isang bayan sa Sorsogon.
Nagsagawa ng police operation sa lalawigan ng Sorsogon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili nang makatanggap ng impormasyon na doon nagkakanlong ang 62-anyos na lolo na nahatulan na sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga sa Valenzuela City.
Katuwang ang mga tauhan ng Barcelona Municipal Police Station at San Manuel Municipal Police Station sa Sorsogon, inaresto ang akusado dakong alas-10:10 ng umaga sa Brgy. Poblacion Sur, sa Bayan ng Barcolona.
Bitbit ng mga operatiba ng Station Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela Police Station ang arrest warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 284 ng Valenzuela laban sa akusado para sa kasong paglabag sa Section 12 ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may kalakip na service of sentence. Merly Duero