Home NATIONWIDE DepEd nakapagtala ng mababang vax rate sa HPV sa mga estudyante dahil...

DepEd nakapagtala ng mababang vax rate sa HPV sa mga estudyante dahil sa parent’s consent

12
0

MANILA, Philippines – NAKAPAGTALA ang Department of Education (DepEd) ng mababang vaccination rates para sa human papillomavirus (HPV) sa hanay ng mga mag-aaral na may bakuna na ibinibigay ng libre sa mga babaeng Grade 4 students.

Ayon kay Dr. Connie Gepanayao, Medical Officer IV at pinuno ng School Health and Nutrition Unit ng DepEd National Capital Region (NCR), naobserbahan ng departamento na ang pagbaba ay sanhi ng consent o pahintulot ng mga magulang para sa school-based immunization initiatives simula 2020 pandemic.

“Nakakalungkot nga na sa NCR, medyo mababa ang aming vaccination rate, siguro dahil sa mga nakalipas na pangyayari, mga hindi magaganda. Katulad ng mga may nagkakasakit pagkatapos mabakunahan,” ang sinabi ni Gepanayao sa isang panayam.

“So medyo mababa ngayon ang aming vaccination rate, kung ikukumpara mo noong bago mag-pandemic… kumbaga, hindi pa nakakabangon ang school-based immunization sa mga nangyari sa mga nakalipas na panahon,” dagdag na pahayag nito.

Sinabi ng DepEd NCR na target nito na mabakunahan ang 85% ng mga estudyante nito, ang kasalukuyang saklaw nito ay 30%, mas mababa sa layunin nito.

Binigyang diin ni Gepanayao na ang HPV vaccine ay “completely safe”, tinukoy ang mahigpit na pagsusuri at pananaliksik na isinagawa ng mga siyentipiko sa sa panahon ng development nito.

Kaya nga umapela si Gepanayao sa mga magulang na payagan ang kanilang mga anak na makatanggap ng bakuna, na napatunayan at epektibong hakbang para protektahan laban sa virus na, kapag naiwang hindi nagamot ay mauuwi sa cancer kabilang na ang cervical, anal, at vulvar cancer.

“Itong bakuna sa Human Papillomavirus or HPV vaccine ‘yung una meron siyang apat na strain… It’s P4,500. Ngayon, dito sa Department of Education, ibinibigay nang libre. Kaya sa mga magulang na nanonood ngayon, ang bakuna laban sa [HPV] ay ligtas at epektibo,” ang tinuran ni Gepanayao.

“’Wag po kayong matakot dahil ito ay nag-underwent sa masusing pag-aaral ng ating mga siyentipiko at ang nalalaman ko lang na kaniyang side effect ay pain, yung kirot, other than that wala na,” aniya pa rin.

Ang paliwanag pa ni Gepanayao, kapag nabigyan ng bakuna, ang mga estudyante ay sasailalim sa 30-minute observation period upang matiyak kung ang kanilang kondisyon ay stable at ang bakuna ay hindi makapagpo-prodyus ng naka-aalarmang side effects.

At upang mapigilan ang pagbaba ng vaccination rate, plano ng ahensiya na gumamit ng extra effort para kausapin ang mga magulang at turuan ang mga ito ukol sa kaligtasan at proteksyon na ibinibigay ng HPV vaccine.

“The HPV vaccine program is set to expand to include female Grade 5 learners in the upcoming school year,” ayon kay Gepanayao. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here