MANILA, Philippines – Dahil umano sa iniindang depresyon, isang lalaki ang pumatay sa sarili nitong anak na babae bago tuluyan na ring nagpakamatay sa kanilang tahanan sa General Mariano Alvarez (GMA), Cavite.
Sa ulat ng pulisya, bandang alas-3:30 kamakalawa ng hapon nang natagpuan ang bangkay ng mag-amang biktima na si alyas Carl, 48 at dalagang anak nito na si alyas Anne, 22 sa loob ng kanilang bahay sa Pasong Saging A, Brgy Delas Alas ng nasabing bayan.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang insidente, isa sa kanilang kapitbahay ang nakarinig ng komosyon sa loob ng bahay ng mag-ama kung saan nakarinig sila ng pagmamakaawa na, “Pa, tama na.”
Narinig din nila ang boses ng isang lalaki gayunman, hindi malinaw ang sinabi.
Narekober din sa loob ng kanilang bahay ang isang kutsilyo na may habang humigit kumulang 10 pulgada na posibleng ginamit sa pagpatay pati na sa pagpapakamatay ng ama.
Napansin din ng pulisya na maayos ang loob ng bahay at intact ang mga kagamitan kaya inalis ang teoryang may pumasok na ibang tao sa loob ng kanilang bahay.
Kinumpirma naman sa asawa ng biktima na nakakaranas ng depresyon ang kanyang mister at naniniwalang siya ang pumatay sa kanyang anak saka ito nagpakamatay.
Matatandaan na bago naganap ang insidente, tinawagan ng asawa ng biktima ang kapatid nito sa pumunta ito sa kanilang bahay upang alamin kung bakit hindi nila sinasagot ang tawag nito sa cellphone.
Ang asawa ng biktima ay nagtatrabaho sa Maynila.
Nagtungo ang kapatid sa bahay ng mga biktima kung saan pagdating duon ay tahimik ang loob ng bahay kaya binidyuhan nito sa siwang ng bintana at nakita ang paa ng biktima na tila nakahandusay at natagpuang kapwa wala nang buhay ang dalawa sa loob ng bahay. MARGIE BAUTISTA