Home NATIONWIDE Cybersecurity ng PH palalakasin ni Bam vs cyberattacks, digital threats

Cybersecurity ng PH palalakasin ni Bam vs cyberattacks, digital threats

1
0

MANILA, Philippines – Kasunod ng sunod-sunod na insidente ng hacking at data leaks na kinasasangkutan ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor, nais ni Senator Bam Aquino na palakasin ang depensa ng bansa laban sa cyberattacks at iba pang digital threats upang maprotektahan ang personal na datos, maiwasan ang data breaches, at masugpo ang online scams.

Inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 2248, o ang panukalang National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act, na naglalayong magtatag ng National Cybersecurity Agency (NCSA) upang higit pang patatagin ang cybersecurity framework ng bansa laban sa digital threats.

“Ang ahensiyang ito ang magsisilbing panangga natin laban sa mga hacking at data leak, na siyang pinag-uugatan ng mga online scam dahil sa mga datos na nakukuha sa gobyerno at mga pribadong kumpanya,” wika ni Aquino, chairperson ng Committee on Science and Technology.

“Kapag napigil natin ang hacking ng mga website at digital infrastructure ng pamahalaan at pribadong sektor, mananatiling protektado ang ating personal data at mababawasan, kung hindi man tuluyang matigil, ang online scam na bumibiktima sa ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Bilang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na mangunguna sa pagbuo at pagpapatupad ng pambansang estratehiya sa cybersecurity, pangangasiwaan ng NCSA ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang labanan ang mga online scam.

Inaatasan din ang ahensya na magtakda ng mga pamantayan sa cybersecurity at tiyakin ang mahigpit na koordinasyon sa mga ahensya ng gobyerno, pribadong kumpanya, at mga international partner upang maiwasan at matugunan ang mga insidente ng cyberattack.

“Sa ahensiyang ito, mabibigyan ng training ukol sa data security ang mga pribadong kumpanya, gaya ng ating micro, small and medium enterprises (MSMEs), para maprotektahan ang kanilang mga record laban sa hacking,” paliwanag ni Aquino.

Itinataguyod din ng panukala ang pananaliksik at pagpapaunlad sa larangan ng cybersecurity, gayundin ang pakikipagtulungan sa academic institutions at mga katuwang sa ibang bansa upang mapalakas ang kakayahan ng bansa.

Inaatasan din ang mga ahensya ng gobyerno, government-owned and controlled corporations (GOCCs), at mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga minimum na hakbang sa cybersecurity at resilience upang maprotektahan ang kanilang mga information system, network, at digital service.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang mga operator ng Critical Information Infrastructure (CII) na regular na magsagawa ng cybersecurity risk assessment, magsumite ng mga ulat sa audit, magpatupad ng tuloy-tuloy na monitoring measures, at agad na iulat ang mga kritikal at high-risk na insidente ng cybersecurity.

Inanunsyo ng cybersecurity monitoring group Deep Web Konek na tinamaan ng malawakang data breach at exposure incidents ang 23 ahensiya ng pamahalaan, educational institutions, at pribadong kumpanya,

Kinumpirma naman ng National Privacy Commission (NPC) noong Martes na ipinaabot ng sampung ahensiya ng gobyerno na nagkaroon ng personal data breach incidents, kabilang ang Presidential Commission on Good Government, Department of Information and Communications Technology, at Department of Labor and Employment.

Kabilang din sa sampu ang Bureau of Internal Revenue, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Department of Justice, Securities and Exchange Commission, Philippine Coast Guard, Department of Trade and Industry, at Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Napaulat na nagkaroon din ng cybersecurity incident ang mobile application ng healthcare provider na St. Luke’s Medical Center. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here