MANILA, Philippines – Inilagay ng Land Transportation Office (LTO) ang miyembro ng isang sikat na P-pop group sa ilalim ng 90-day preventive driver’s license suspension.
Ito ay kasunod ng viral video na kumalat kung saan ginagamit umano nito ang kanyang cellphone habang nagmamaneho.
Ang miyembro ay inisyuhan ng show-cause order at inatasang humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO sa Nobyembre 20 para ipaliwanag ang posibleng paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, reckless driving, at improper operation ng motor vehicle.
Iginiit ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na pantay-pantay na ipatutupad ang batas anuman ang antas sa lipunan o gaano man ito kasikat.
Nilinaw naman niya na ang preventive suspension ay hindi final finding ng guilt.
Sinabi ng LTO na inisyuhan ng SCO ang member ng grupo matapos makita sa video na gumagamit ito ng cellphone habang nagmamaneho, nagrerekord ng sarili nito at kalaunan ay dinampot pa ang cellphone na nahulog sa loob ng sasakyan sa halip na gumilid sa ligtas na lugar.
Dagdag pa, makikita na hawak din niya ang cellphone ng dalawang kamay niya habang umaandar ang ssakyan.
Anang ahensya, maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng ibang motorista ang ginawa ni Mikha.
Inatasan ang miyembro ng P-pop group na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa LTO Central Office in Quezon City sa Nobyembre 20 para ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat mapanagot sa posibleng traffic violations.
“It is our job to ensure that the law is enforced fairly and without bias, regardless of a person’s status or popularity. Whether famous or not, everyone is expected to follow traffic laws, and if a violation is established, the LTO will impose the appropriate penalty,” sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao. RNT/JGC