MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa halos P89.2 milyon halaga ng nasa higit 15 kilo ng hinihinalang iligal na droga ang nabuking ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) mula sa 12 abandonadong parcel sa isinagawang inspeksuon sa isang bodega sa Pasay City.
Nasamsam ng BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang kabuuang 15.036 kilo ng hinihinalang droga mula sa mga inabandonang padala na nagmula sa Thailand, India, United States at Netherlands.
Nadiskubre ang mga kontrabando noong Nobyembre 6 sa isang warehouse matapos isailalim sa masusing pisikal na pagsusuri ang mga kahina-hinalang parcel.
Pinakamalaki sa nakumpiskang droga ang 11.241 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱76.43 milyon. Nasamsam din ang 2.232 kilo ng ketamine na tinatayang ₱11.16 milyon ang halaga at 1.563 kilo ng marijuana kush na nagkakahalaga naman ng ₱1.56 milyon.
Mas lalong ikinagulat ng mga awtoridad ang paraan ng pagtatago sa mga ilegal na droga dahil isiniksik ang mga ito sa mga damit, balot ng pagkain at tsaa, kahoy na lalagyan, metal na pulley, handbag at deep fryer.
Kabilang sa mga idineklarang laman ng mga parcel ang damit, laruan, kagamitan sa bahay, piyesa ng sasakyan at mga regalo na posibleng ginamit na pantakip sa aktuwal na laman ng mga padala.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patunay ang pagkakasamsam sa droga na kailangang busisiin maging ang mga abandonadong parcel upang hindi magamit ang mga ito sa pagpupuslit ng kontrabando.
Pinangunahan ng BOC-NAIA ang operasyon sa tulong ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Dinala na sa PDEA Laboratory Service ang mga nakumpiskang substansiya para sa pagsusuri at kumpirmasyon, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng pagpapadala at kung may sapat na ebidensiya para sampahan sila ng kaukulang kaso.
Tiniyak naman ni District Collector Atty. Maria Yasmin M. Obillos-Mapa na paiigtingin pa ng BOC-NAIA ang pagbabantay sa mga padala mula sa ibang bansa, kabilang ang mga hindi kinukuha o inabandona sa mga warehouse. JAY Reyes