Home NATIONWIDE Mga opisyal ng BJMP muling ipinatawag ng Sandiganbayan

Mga opisyal ng BJMP muling ipinatawag ng Sandiganbayan

1
0

MANILA, Philippines – Muling ipinatawag ng Sandiganbayan Third Division ang ilang opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kasunod ng inspeksyon nito sa male dormitory ng Quezon City Jail.

Ayon kay Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma, naglabas ang korte nitong Miyerkules ng subpoena laban kina Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion, medical officer Henry Fabro at opisyal na namamahala sa closed-circuit television (CCTV) cameras sa naturang pasilidad.

Inatasan ang mga opisyal na humarap sa korte kinabukasan, dakong alas-8:30 ng umaga, kasabay ng pagpapatuloy ng pagdinig sa petisyon para sa piyansa sa kasong plunder ni dating House Speaker Romualdez.

Nauna nang ipinatawag sina Pacion at Fabro sa pagdinig noong Nobyembre 5 upang tiyakin ang kasalukuyang kalagayan ni Romualdez sa detention facility.

Nangyari ito matapos maglabas ng alegasyon ang beteranong mamamahayag na si Mon Tulfo, batay umano sa isang source, na pinutol ng isang jail warden ang suplay ng kuryente kaya hindi gumana ang mga CCTV camera at nakalabas umano si Romualdez nang hindi namamalayan ng mga awtoridad.

Kalaunan, binawi ni Tulfo ang kaniyang pahayag at sinabing maling impormasyon ang ibinigay sa kaniya.

Samantala, sa walong pahinang kautusan nitong Martes, nagpahayag ng pagkabahala ang Sandiganbayan Third Division sa kakulangan ng CCTV surveillance system sa male dormitory ng BJMP sa Quezon City.

Kasunod ito ng mga alegasyong madaling makalabas si Romualdez mula sa kaniyang selda.

Sa isinagawang inspeksyon, napansin ng korte na marami sa mga nakakabit na CCTV camera ang hindi gumagana. Ayon din sa mga opisyal, 220 lamang sa kabuuang 450 CCTV camera sa pasilidad ang operational.

Napag-alaman din ng korte na walang gumaganang CCTV camera na nakatutok sa lugar kung saan matatagpuan ang detention cell ni Romualdez.

Dahil dito, inatasan ng Sandiganbayan si BJMP Chief Jail Director Efren NemeƱo na magsumite sa loob ng 10 araw ng ulat tungkol sa kondisyon at operasyon ng CCTV surveillance system sa naturang pasilidad. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here