MANILA, Philippines – Target ng gobyerno na maging operational ang matagal nang naantalang transport hub na Unified Grand Central Station (UGCS) pagsapit ng Marso 2028.
Ang konstruksyon ay muling sinimulan nitong Martes, Nobyembre 10.
Inanunsyo ni DOTr Secretary Vince Dizon ang muling pagsisimula ng konstruksyon sa kanyang inspeksyon sa proyekto.
Ang UGCS ay isang common station na magdurugtong sa MRT-3, LRT-1, MRT-7, at EDSA Busway.
Tiwala si Dizon na sa unang kwarter ng 2028 o Marso 2028 at bago matapos ang termino ng Pangulo ay magagamit na ito matapos ang 20 taon.
Nagsimula ang pagpaplano para sa UGCS noong 2007, habang nagsimula ang konstruksyon noong 2019. Gayunman, nasuspinde ang trabaho noong 2024 dahil sa mga problema sa dating contractor.
Kapag natapos, inaasahang magbibigay ang UGCS ng mas maginhawang paglipat sa pagitan ng apat na pangunahing sistema ng pampublikong transportasyon.
Samantala, inanunsyo rin ni Dizon na inaasahang magsisimula ang operasyon ng MRT-7 para sa mga pasahero sa Hunyo 2027. Jocelyn Tabangcura-Domenden