MANILA, Philippines – Ipatutupad na ng mga mall sa Metro Manila ang adjusted mall hours mula alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi tuwing weekdays simula Nobyembre 16 hanggang Disyembre 25.
Ito ay para maibsan ang matinding daloy ng trapiko sa nalalapit na Kapaskuhan, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkules, Nobyembre 11.
Ayon kay MMDA Chair Don Artes, pumayag ang mga mall operator para sa adjusted hours.
Sa ilalim ng panuntunan, ang mga mall ay dapat na mag-iskedyul ng deliveries sa pagitan ng alas-11 ng gabi at alas-5 ng umaga.
Pinapayagan naman ang delivery ng perishable goods tuwing regular operating hours.
Exempted din sa adjustment ang mga grocery, restaurant, at opisina ng gobyerno sa loob ng mga mall.
Papayagan din ang mga sinehan na magbukas nang mas maaga sa Disyembre 25 para sa pagbubukas ng Metro Manila Film Festival.
Ipagbabawal naman ng MMDA ang mall-wide sales at promotional events tuwing weekdays.
Ang mga mall na may planong magsagawa ng mall-wide sales ay dapat na magpasa ng traffic management plan sa MMDA dalawang linggo bago ang itinakdang event.
Nilinaw naman ni Artes na ang mga individual store sales sa loob ng mall ay pinapayagan tuwing weekdays. RNT/JGC