MANILA, Philippines – MAS mapalalakas ang proteksyon laban sa baha sa Metro Manila sa pagkumpleto ng pitong natitirang pumping station sa ilalim ng Metro Manila Flood Management Project (MMFMP) Phase 1.
Sa ika-12 pulong ng Economy and Development Council, inilahad ang panukalang palawigin hanggang Mayo 31, 2027 ang panahon para makumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang konstruksyon, pagsusuri, pagtanggap at turnover ng mga pasilidad, nang hindi binabago ang aprubadong saklaw at kabuuang gastos nito.
Bahagi ang pitong pumping station sa orihinal na target na 38 pasilidad sa Metro Manila. Inaasahang mapabibilis ng mga ito ang pagdaloy ng tubig-baha at mapoprotektahan ang mga komunidad na madalas bahain.
Ito na ang ikalawa at huling pagpapalawak ng proyekto upang makumpleto at maihanda sa operasyon ang mga natitirang pasilidad.
Kaugnay nito, sinuri kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Tripa de Gallina Pumping Station sa Pasay City. Ito ang pinakamalaki sa 73 pumping station na pinatatakbo ng MMDA sa Metro Manila noon Agosto 20, 2026.
Sinabi ng Pangulo na maayos ang operasyon ng mga bomba. Gayunman, binigyang-diin niya ang problema sa basurang bumabara sa mga daluyan ng tubig.
“Nandito naman tayo sa pumping station. Tinitingnan natin kung sapat dahil ang katotohanan ay talagang napakarami ang tubig na bumabagsak ngayon compared sa mga nakaraang taon,” ani Pangulong Marcos.
Sinuri rin ni Pangulong Marcos ang mga trash rake facility na sumasala at kumokolekta ng basura mula sa estero. Dinadala ang mga nakolekta sa pamamagitan ng conveyor belt para sa wastong pagtatapon.
Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng wastong pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbabara sa mga daluyan ng tubig at matiyak ang maayos na operasyon ng mga pumping station. KRIS JOSE