Home NATIONWIDE Number coding suspendido sa Nov. 16–18; ilang kalsada sa Pasay, restricted

Number coding suspendido sa Nov. 16–18; ilang kalsada sa Pasay, restricted

1
0

MANILA, Philippines — Suspendido ang number coding scheme sa Metro Manila mula Nobyembre 16 hanggang 18 kasabay ng pagpapatupad ng mahigpit na seguridad at traffic restrictions para sa 49th ASEAN Summit.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kasabay ito ng deklarasyon ng special non-working days sa National Capital Region (NCR) upang mabawasan ang trapiko sa panahon ng pandaigdigang pagtitipon.

Magpapatupad din ng security exclusion zones sa paligid ng Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Sakop ng restrictions ang Atang Dela Rama Street, Vicente Sotto Street, Pedro Bukaneg Street at Magdalena Jalandoni Street mula Nobyembre 9 hanggang 18.

Tanging mga awtorisadong tauhan at sasakyang may opisyal na ASEAN sticker ang papayagang makapasok sa mga restricted area.

Nilinaw ni MMDA Traffic Enforcement Group Director Victor Nuñez na walang malawakang pagsasara ng mga kalsada sa Metro Manila, maliban sa mga lugar na sakop ng security restrictions.

Magpapatupad naman ng stop-and-go traffic scheme kapag dumaraan ang convoy ng mga dayuhang lider papunta at palabas ng PICC.

Magkakaroon din ng truck rerouting mula Nobyembre 15 hanggang 18 upang mabawasan ang pagdaan ng mabibigat na sasakyan sa Roxas Boulevard.

Samantala, magpapakalat ang MMDA ng 2,637 tauhan mula Nobyembre 13 hanggang 19 upang mangasiwa sa trapiko at tumulong sa seguridad.

Pinayuhan ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta, maglaan ng dagdag na oras sa biyahe at subaybayan ang mga opisyal na traffic advisory upang maiwasan ang abala. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here