MANILA, Philippines — Wala umanong aktibong banta sa seguridad na namomonitor ang National Capital Region Police Office (NCRPO) bago ang 49th ASEAN Summit, habang tiniyak nitong paiiralin ang maximum tolerance sa mga grupong magsasagawa ng kilos-protesta.
Sinabi ni NCRPO officer-in-charge Police Brig. Gen. Christopher Abrahano sa panayam ng GTV’s Balitanghali, ayon sa ulat ng GMA News, na patuloy ang pagbabantay ng kanilang intelligence community laban sa anumang posibleng banta.
Tiniyak din ni Abrahano na kikilalanin ng pulisya ang karapatan ng publiko na magpahayag ng kanilang mga adbokasiya, habang pinananatili ang seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng summit, kabilang ang Philippine International Convention Center (PICC).
Gayunman, sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. noong Nobyembre 6 na may mino-monitor silang low-level threat kaugnay ng nalalapit na summit. Sa sumunod na pahayag ng NCRPO, sinabi nitong wala pang beripikadong banta sa pagtitipon.
Kabilang sa mga nakahandang hakbang sa seguridad ang pagtatayo ng checkpoints at pagpapatupad ng exclusion zones sa paligid ng PICC. Babantayan din ang 16 na hotel na tutuluyan ng mga dayuhang delegado at ang mga rutang pagdaraanan ng kanilang mga convoy.
Magpapakalat ang PNP ng 19,869 pulis upang tiyakin ang seguridad sa mga venue, hotel, billeting areas at motorcade routes.
Sinabi rin ni Abrahano na inatasan ang mga district director at station commander na tiyaking sa mga itinalagang freedom park isasagawa ang mga pagtitipon at protesta. Hinimok niya ang mga grupong magsasagawa ng pagkilos na makipagtulungan sa mga awtoridad.
Nakatakdang idaos ang 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Nobyembre 16 hanggang 18 sa Pilipinas. Santi Celario