Home HOME BANNER STORY CAAP, handa na sa ASEAN Summit; mga pasahero pinayuhang i-check flights

CAAP, handa na sa ASEAN Summit; mga pasahero pinayuhang i-check flights

1
0

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na handa na ang mga paliparan sa pagdating ng mga lider at delegado para sa 49th ASEAN Summit, sa kabila ng inaasahang pagkaantala at pagkansela ng ilang biyahe.

Ayon kay CAAP Public Information Officer Bea Bernardo, nakahanda ang kanilang mga tauhan na umalalay sa mga pasaherong maaapektuhan ng pagbabago sa flight schedules.

Pinayuhan ni Bernardo ang mga biyahero na kumpirmahin muna ang kanilang flight status bago magtungo sa paliparan.

Nagtatag na rin ng mga help desk upang tugunan ang mga reklamo at pangangailangan ng mga pasahero.

Sinabi ng CAAP na karaniwang security screening pa rin ang ipatutupad sa mga paliparan. Wala rin umanong nakatakdang pagsasara ng mga kalsada sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nauna nang inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na mahigit 300 flights ang maaaring maapektuhan ng kanselasyon o pagbabago sa iskedyul simula Nobyembre 14, kasabay ng pagdating ng mga dayuhang delegado.

Ayon sa Malacañang, maaaring pumili ang mga apektadong pasahero ng libreng rebooking, full refund o travel credits na magagamit sa susunod na biyahe.

Samantala, nagbigay na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng tig-₱10,000 at family food packs sa 30 manggagawa ng mga kainan sa Diokno Boulevard, Pasay City, na naapektuhan ng clearing operations para sa summit.

Tiniyak ng DSWD na magpapatuloy ang pagbibigay ng tulong sa iba pang apektadong manggagawa at negosyante, kabilang ang mga nasa Macapagal Avenue. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here