Home Uncategorized Chinese Premier Li Qiang, dadalo sa ASEAN Summit sa Maynila

Chinese Premier Li Qiang, dadalo sa ASEAN Summit sa Maynila

2
0

MANILA, Philippines — Kumpirmadong dadalo si Chinese Premier Li Qiang sa 29th China-ASEAN Summit sa Maynila sa Nobyembre 15 hanggang 16, sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng West Philippine Sea.

Inanunsyo ito ng Chinese Ministry of Foreign Affairs nitong Miyerkules, Nobyembre 11, kasunod ng imbitasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kasalukuyang ASEAN chair.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun, layunin ng China na palakasin ang tiwala at kooperasyon sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Kabilang sa mga nais palawakin ng Beijing ang kooperasyon sa artificial intelligence, digital economy, energy security, connectivity at paglaban sa kahirapan.

Isusulong din ng China ang mas maagang pagpapatupad ng China-ASEAN Free Trade Area 3.0 Upgrade Protocol upang mapalakas ang kalakalan at ugnayang pang-ekonomiya sa rehiyon.

Gaganapin ang pagbisita sa gitna ng mga hindi pagkakaunawaan ng Pilipinas at China sa South China Sea, kung saan patuloy ang kanilang alitan sa mga inaangking teritoryo at karagatang sakop ng kani-kanilang posisyon.

Bago magtungo sa Maynila, magsasagawa muna si Li ng opisyal na pagbisita sa Thailand mula Nobyembre 13 hanggang 15.

Bahagi ang China-ASEAN Summit ng mas malawak na 49th ASEAN Summit and Related Summits na pangungunahan ng Pilipinas bilang ASEAN chair ngayong 2026. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here