MANILA, Philippines — Umabot sa 7.7 milyon ang bilang ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga industriyang may kaugnayan sa turismo noong 2025, katumbas ng 15.7 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga may trabaho sa bansa, ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na patuloy na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalakas ng turismo upang makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa ilalim ng Philippine Tourism Satellite Account (PTSA), tumaas ang bilang ng mga manggagawa sa industriya mula 7.51 milyon noong 2024 patungong 7.7 milyon noong 2025.
Pinakamalaking bahagi nito ang mga nagtatrabaho sa accommodation, food and beverage services na may 2.93 milyon o 38 porsiyento ng kabuuang bilang.
Sinundan ito ng mga serbisyong partikular na may kaugnayan sa turismo na may 1.95 milyong manggagawa o 25.4 porsiyento, at retail trade ng mga produktong may kaugnayan sa turismo na may 1.67 milyon o 21.7 porsiyento.
Samantala, nasa 650,000 ang nagtatrabaho sa passenger transportation, 460,000 sa recreation, entertainment at cultural services, at humigit-kumulang 50,000 sa mga travel agency, tour operator at tour guide.
“Ito ang puhunang kailangan para sa magandang turismo na magbibigay ng maraming trabaho, mabilis na pag-lago ng produktong Pilipino — magandang kita, magandang ekonomiya,” ani Castro sa isang press briefing sa Benguet.
Kaugnay nito, pinangunahan ni Marcos noong Huwebes, Nobyembre 26, ang pagbubukas ng P11.09-bilyong Mandarin Oriental Makati, na inaasahang magbibigay ng karagdagang trabaho at oportunidad sa sektor ng turismo.
Ayon sa Pangulo, mahalagang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan sa pagtatayo ng mga hotel upang matugunan ang pangangailangan sa mga kuwarto at mapalakas ang turismo bilang bahagi ng paglago ng ekonomiya.
Inatasan din niya si Department of Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na palawakin ang mga oportunidad sa trabaho sa sektor kasabay ng pagdami ng mga lokal at dayuhang turista.
Binigyang-diin naman ni Castro na hindi lamang nakasalalay sa pagtatayo ng mga hotel at pagdami ng mga bisita ang pag-unlad ng turismo, kundi maging sa pagpapakita ng kulturang Pilipino at mabuting pagtanggap sa mga turista.
“Ang turismo ay hindi lang tungkol sa pagdami ng mga turista o pagtatayo ng mga magagarang hotel,” ani Castro.
“Ipinapakita rin nito ang magandang ugali ng mga Pilipino na handang tumanggap ng mga bisita upang ipagmalaki ang mga likas na yaman at kultura ng bawat isa na bumubuo sa Pilipinas,” dagdag niya. Kris Jose