MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang masusing pagtugis sa mga suspek na umano’y kumuyog at nakapatay sa isang 31-anyos na ama matapos nitong habulin ang rider na nakabangga sa kanyang pitong taong gulang na anak sa Muntinlupa City.
Inatasan ni NCRPO acting director Police Brig. Gen. Christopher Abrahano ang Muntinlupa City Police na gamitin ang lahat ng posibleng paraan upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa pagkamatay ng construction worker na si Richard Escaros.
Naganap ang insidente noong Oktubre 18 nang habulin ng biktima ang isang rider na umano’y nakabangga sa kanyang anak at tumakas.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, isang grupo ng mga lalaki na pinaniniwalaang kasamahan ng rider ang humabol naman sa biktima at pinagtulungang bugbugin.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang ama, kabilang ang pagkabasag ng kanyang bungo, matapos umanong paluin ng matigas na bagay. Naisugod pa siya sa ospital ngunit kalaunan ay binawian ng buhay.
Ayon kay Muntinlupa Police chief Police Col. Olivia Ancheta, unang iniulat na nabagok lamang ang ulo ng biktima habang tumatakbo, ngunit lumabas sa imbestigasyon na pinagtulungan umano siyang saktan ng mga suspek.
Sa tulong ng mga saksi, natukoy na ng pulisya ang tatlong suspek na nahaharap sa reklamong murder.
Samantala, ipinag-utos ng NCRPO ang patuloy na pagsusuri sa CCTV footage, pangangalap ng ebidensya at paghahanap ng mga saksi upang matukoy ang papel ng bawat indibidwal na sangkot, kabilang ang rider.
Tiniyak din ng NCRPO ang suporta sa naulilang pamilya ng biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at paghahanap sa mga suspek. Mary Anne Sapico