Home METRO Pinas may 300K wanted persons, kabilang sina Bato, Zaldy, Bantag – PNP

Pinas may 300K wanted persons, kabilang sina Bato, Zaldy, Bantag – PNP

1
0

MANILA, Philippines — Humigit-kumulang 300,000 wanted persons ang hindi pa naaaresto sa buong Pilipinas sa kabila ng pinaigting na operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., target ng kapulisan na tuluyang maibaba sa zero ang bilang ng mga wanted persons, anuman ang kanilang katayuan o posisyon sa lipunan.

Kabilang sa mga high-profile personality na tinutugis ng mga awtoridad sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, dating kongresistang Zaldy Co, dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at negosyanteng si Atong Ang.

Batay sa datos ng PNP, mula sa humigit-kumulang 500,000 wanted persons na nakatala noong Agosto 2025, nabawasan na ito ng 200,000 sa nakalipas na 14 na buwan.

Noong Oktubre lamang, umabot sa 8,839 wanted persons ang naaresto sa buong bansa, kabilang ang 2,353 most wanted persons at 6,486 iba pang wanted individuals.

Nanguna sa mga pag-aresto ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na may 1,641, sinundan ng Central Luzon na may 1,503 at Calabarzon na may 1,317.

Sa kabuuan, 4,461 wanted persons ang naaresto sa tatlong rehiyon, katumbas ng mahigit kalahati ng nationwide arrests noong Oktubre.

Tiniyak ni Nartatez na magpapatuloy ang mga operasyon, pangangalap ng intelligence information at koordinasyon sa iba pang law enforcement agencies upang matugis ang mga natitirang wanted persons.

Binigyang-diin din ng PNP na hindi lamang pagbabawas ng backlog ang kanilang layunin kundi ang tuluyang pag-aresto sa lahat ng indibidwal na may umiiral na warrant of arrest. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here