MANILA, Philippines — Nilinaw ng Bureau of Customs (BOC) na nananatili sa puwesto si Commissioner Ariel Nepomuceno sa gitna ng kumakalat na balita tungkol sa posibleng pagbabago sa pamunuan ng ahensya.
Sa pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 11, sinabi ng BOC na wala pa itong natatanggap na opisyal na direktiba mula sa Malacañang hinggil sa pagpapalit ng commissioner.
Lumabas ang paglilinaw matapos kumalat ang impormasyon na posibleng ilipat si Nepomuceno sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Iginiit ng BOC na patuloy na ginagampanan ni Nepomuceno ang kanyang tungkulin, partikular sa pagpapalakas ng seguridad sa mga hangganan ng bansa, pagpigil sa smuggling at pangongolekta ng kita ng pamahalaan.
Tiniyak din ng ahensya na magpapatuloy ang kampanya laban sa pagpasok ng ilegal na droga, mga kontrabando at iba pang ipinagbabawal na produkto.
Kasabay nito, patuloy umanong ipatutupad ang mga reporma upang mapahusay ang serbisyo para sa mga lehitimong importer at exporter, mapabilis ang proseso ng kalakalan at mapalakas ang transparency at accountability sa loob ng BOC.
Binigyang-diin ng ahensya na mahalaga ang wastong pangongolekta ng customs duties at taxes upang masuportahan ang mga programa, imprastraktura at serbisyong pampubliko ng pamahalaan.
Sa ngayon, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa Malacañang tungkol sa anumang planong pagpapalit kay Nepomuceno. RNT