MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez ang mga gasolinahang hindi umano nagpapatupad ng buong ₱16.80 kada litrong bawas-presyo sa gasolina, kabilang ang mga sinasabing pansamantalang nagsasara upang makaiwas sa rollback.
Nanawagan ang mambabatas sa Department of Energy (DOE) na paigtingin ang monitoring sa mga gasolinahan upang matiyak na napakikinabangan ng mga motorista ang malaking tapyas-presyo sa mga produktong petrolyo.
“Minsan na nga lang po ang good news para sa mga motorista — sana naman sundin na!” ani Gutierrez sa kanyang pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 11.
Epektibo mula Nobyembre 10 hanggang 16 ang bawas-presyong ₱16.80 kada litro sa gasolina, ₱4.10 sa diesel at ₱3.70 sa kerosene, batay sa anunsyo ng DOE.
Iginiit ni Gutierrez na malaking tulong ang rollback sa mga motorcycle rider, delivery worker at iba pang motorista na umaasa sa gasolina para sa kanilang kabuhayan.
Nauna nang kinumpirma ni DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na may isang gasolinahang ₱12 lamang kada litro ang unang ibinawas sa presyo ng gasolina sa halip na ₱16.80.
Ayon sa opisyal, posibleng patawan ng show cause order ang hindi sumusunod na gasolinahan upang pagpaliwanagin sa ipinatupad nitong price adjustment.
Nagsasagawa na rin ang DOE ng random inspections sa mga gasolinahan upang matiyak ang pagsunod sa itinakdang rollback.
Hinimok naman ang publiko na iulat ang mga gasolinahang hindi nagpapatupad ng tamang bawas-presyo sa pamamagitan ng 8888 hotline o ng “Gas Station Concerns” feature sa eGovPH app.
Iginiit ni Gutierrez na dapat mapakinabangan nang buo at walang pagkaantala ng mga motorista ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo. RNT