Home NATIONWIDE 46% ng mga Pilipino, malaki tiwala sa ASEAN — SWS

46% ng mga Pilipino, malaki tiwala sa ASEAN — SWS

1
0

MANILA, Philippines – Umabot sa 46 porsiyento ng mga Pilipino ang nagpahayag ng malaking tiwala sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), habang 21 porsiyento naman ang may kaunting tiwala lamang dito, batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

Inilabas ang resulta noong Nobyembre 11, bago ang pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Nobyembre 16 hanggang 18.

Sa Third Quarter 2026 survey ng SWS na isinagawa noong Setyembre 21 hanggang 27, nakapagtala ang ASEAN ng moderate net trust rating na +25 sa mga Pilipinong nakaaalam sa organisasyon.

Mas mababa ito kumpara sa +41 na naitala noong Hunyo 2017, nang huling pamunuan ng Pilipinas ang regional bloc.

Ayon sa SWS, nakapagtala rin ang ASEAN ng net trust rating na +30 noong Setyembre 2013 at +41 noong Hunyo 2017.

Sa bawat rehiyon, nakakuha ang ASEAN ng moderate net trust rating na +29 sa Metro Manila, +28 sa Balance Luzon, +24 sa Visayas at +18 sa Mindanao.

Samantala, sa hiwalay na survey na isinagawa noong Marso 24 hanggang 31, lumabas na nais ng mga Pilipino na unahin ng bansa sa pamumuno nito sa ASEAN ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at inflation, sigalot sa West Philippine Sea, at presyo at suplay ng langis.

Nanguna ang pagtaas ng presyo at inflation na may 19 porsiyento, sinundan ng West Philippine Sea dispute sa 16 porsiyento at presyo at suplay ng langis sa 12 porsiyento.

Binanggit din ng mga respondent ang kahirapan (9%), krisis sa ekonomiya at pananalapi (6%), trabaho at kabuhayan (5%), digmaan at sigalot (4%), krimen at ilegal na droga (3%), at suplay ng pagkain at kagutuman (3%). Nasa 2 porsiyento naman ang tumukoy sa seguridad at kaligtasan.

Ayon sa SWS, pagtaas ng presyo at inflation ang pinakamadalas na binanggit na isyu sa Mindanao na may 23 porsiyento at Balance Luzon na may 20 porsiyento.

Samantala, West Philippine Sea ang nanguna sa Metro Manila na may 22 porsiyento at Visayas na may 16 porsiyento.

Natuklasan din sa survey noong Marso na 91 porsiyento ng mga Pilipino ang umaasang makikinabang ang bansa sa pagho-host ng mga pagpupulong ng mga lider ng ASEAN.

Sa bilang na ito, 21 porsiyento ang umaasang malaki ang magiging pakinabang, 52 porsiyento ang nagsabing malaki ang benepisyo, at 17 porsiyento ang umaasang kaunti lamang ang pakinabang. Siyam na porsiyento naman ang hindi umaasang makikinabang ang bansa.

Kapwa sumaklaw sa 1,500 adultong respondent sa buong bansa ang First Quarter at Third Quarter surveys, na isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews. May margin of error na plus o minus tatlong percentage points ang national estimates. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here