MANILA, Philippines – Suspendido ang operasyon ng electric Love Bus ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula Nobyembre 16 hanggang 18 kaugnay ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at mga kaugnay na pulong.
Nauna nang idineklara ng Malacañang na special non-working days ang mga petsang ito sa Metro Manila upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.
Layunin din ng hakbang na mapalakas ang seguridad para sa mahalagang pagtitipon ng mga lider at delegasyon mula sa 11 bansang kasapi ng ASEAN at mga dialogue partner nito, kabilang ang China, South Korea, Japan, United States, Australia, New Zealand, India at Canada. Gaganapin ang mga pagpupulong mula Nobyembre 15 hanggang 17.
Nagpatupad na rin ang MMDA ng pansamantalang pagsasara ng mga kalsada sa paligid ng pangunahing venue na Philippine International Convention Center at Cultural Center of the Philippines complex sa Pasay City.
Ipinagbawal din ng ahensya ang pagdaan ng mga truck sa Roxas Boulevard mula Nobyembre 12 hanggang 20 bilang bahagi ng mga hakbang sa pamamahala ng trapiko para sa regional summit. RNT/MDS