Home LIFESTYLE HEALTH Mga kaso ng flu-like illness sa bansa, tumaas ng 17% — DOH

Mga kaso ng flu-like illness sa bansa, tumaas ng 17% — DOH

1
0

MANILA, Philippines – Tumaas ng 17 porsiyento ang mga kaso ng influenza-like illness (ILI) sa bansa, batay sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH).

Nakapagtala ang DOH ng 15,122 kaso mula Oktubre 4 hanggang 17, mas mataas kumpara sa 12,929 kaso noong Setyembre 20 hanggang Oktubre 3.

Gayunman, mas mababa pa rin ang kabuuang bilang ng mga kaso ngayong taon kumpara noong nakaraang taon. Mula Enero 4 hanggang Oktubre 31, umabot sa 142,246 ang naitalang kaso, 18 porsiyentong mas mababa sa 173,364 noong kaparehong panahon ng 2025.

Ayon sa DOH, alinsunod sa karaniwang seasonal pattern ng ILI ang pagtaas ng mga kaso. Nananatili naman sa 0.06 porsiyento ang case fatality rate.

Pinakamalaking porsiyento ng pagtaas ng kaso ang naitala sa Western Visayas, Mimaropa at Central Visayas. Samantala, 13 probinsya at highly urbanized cities sa 10 rehiyon ang nakapagtala ng pagtaas ng mga kaso sa kanilang mga lugar, karamihan ay nasa National Capital Region.

Dahil dito, pinayuhan ng DOH ang publiko na takpan ang bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing at manatili sa bahay kapag may sintomas ng flu-like illness.

Pinayuhan din ang publiko na tiyaking maayos ang bentilasyon sa mga kulob na lugar at hinikayat ang mga vulnerable at high-risk group na magpabakuna laban sa sakit.

Ayon sa World Health Organization, ang ILI ay impeksiyon sa paghinga na may lagnat na 38 degrees Celsius o mas mataas at ubo, na nagsimula sa loob ng nakalipas na 10 araw. Hindi lahat ng kaso ay dulot ng influenza dahil maaari ring magdulot ng kaparehong sintomas ang ibang respiratory virus. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here