MANILA, Philippines – Bukod sa mabibigyan ng libre at masustansiyang pagkain ang mga estudyante sa Kindergarten hanggang Grade 3 sa mga pampublikong paaralan, makatutulong din ang panukalang “Libreng Pagkain sa Paaralan” na mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga magulang na nagsisikap maitawid ang pangangailangan ng kanilang pamilya, ayon kay Senator Bam Aquino.
Ayon kay Aquino, dahil libre ang pagkain ng mga estudyante sa paaralan, makatitipid ang mga magulang sa gastusin sa pagkain at mailalaan ang mas malaking bahagi ng kanilang budget sa iba pang importanteng kailangan ng pamilya.
“Sa mga magulang na araw-araw nagsisikap para maitaguyod ang kanilang pamilya, gusto po naming makatulong at makabawas sa inyong pinoproblema,” ani Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education at principal sponsor ng panukalang Libreng Pagkain sa Paaralan.
“Magsama-sama po tayo upang ito’y mapasa at mapondohan nang sapat at tama sa susunod na taon,” dagdag pa niya.
Inaprubahan na ng bicameral conference committee ang panukala, na tinawag ni Aquino bilang isang mahalagang hakbang upang matugunan ang malnutrisyon sa mga bata at ang krisis sa edukasyon.
Matapos itong pagtibayin ng kapwa kapulungan ng Kongreso, ang House of Representatives at Senado, ipapadala ang panukala sa Malacañang para lagdaan ng Pangulo.
Saklaw din ng programa ang pagpapakain sa mga batang kabilang sa Early Childhood Care and Development (ECCD) System, mga mag-aaral mula Grade 4 hanggang Grade 6 na kulang sa nutrisyon, at mga buntis. Maaari ring palawakin ang suporta upang matugunan ang pangangailangan ng iba pang vulnerable groups.
“Kasama rin po ang suporta sa nutrisyon para sa mga nangangailangan, mula sa mga buntis na nanay, sanggol at toddler hanggang sa mga undernourished na bata na nag-aaral,” dagdag ni Aquino.
Binigyang-diin ni Aquino na mahalagang matugunan ang gutom at malnutrisyon upang matiyak na malusog ang mga bata, handang matuto, at may kakayahang maabot ang kanilang buong potensyal.
“Sa Libreng Pagkain sa Paaralan, mas maraming bata ang lalaking busog, malusog, handang matuto at kayang abutin ang kanilang mga pangarap,” giit ni Aquino. Ernie Reyes