ZAMBOANGA CITY, Philippines – Pinalalawak ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon upang matukoy at mabuwag ang drug network sa likod ng pagkakasamsam ng 67 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P455.6 milyon sa Zamboanga City.
Apat na suspek ang naaresto sa magkasanib na operasyon ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Miyerkules.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang mga kinauukulang unit na palawakin ang imbestigasyon lampas sa apat na naarestong suspek upang matukoy ang buong operasyon ng ilegal na droga.
Kabilang sa mga nais matukoy ng mga awtoridad ang mga pinagkukunan ng droga, financier, distributor at iba pang personalidad na sangkot sa operasyon.
Kinilala ang mga naaresto na sina Sabirin Alisan, 57; Shermahal Halisan, 42; Jul-Asbi Asakil, 56; at Abu-Darda Abdulhaih, 33.
Nadakip sila sa buy-bust operation na isinagawa sa ilalim ng “Coplan Shadow Ice” dakong alas-4:52 ng hapon. Unang nasamsam ang tinatayang dalawang kilo ng hinihinalang shabu sa isinagawang transaksyon.
Sa follow-up search sa target area, nakakuha pa ang mga operatiba ng karagdagang 65 kilo ng hinihinalang droga, dahilan upang umabot sa 67 kilo ang kabuuang nasamsam na nagkakahalaga ng P455.6 milyon.
Narekober din ang mga cellphone, identification card, timbangan, sasakyan at iba pang gamit na pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na aktibidad.
Nahaharap ang apat na suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 o pagbebenta at 11 o pag-iingat ng ilegal na droga ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Nartatez, higit sa halaga ng nakumpiskang droga ang mga buhay na posibleng nailigtas at pinsalang naiwasan kung hindi naipamahagi ang mga ito sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa. RNT/MDS