MANILA, Philippines – Nanatili ang zero-backlog record ng Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement ni Senator Francis “Chiz” Escudero matapos aksyunan ang lahat ng 67 bills at resolutions na isinangguni sa panel mula nang maupo bilang committee chairman noong Setyembre ng nakaraang taon.
Sa isang public hearing nitong Martes (Nob. 10), tinalakay ng komite ang mga lehislasyon na naglalayong palawakin ang access sa abot-kayang pabahay, pagbutihin ang socialized housing delivery, protektahan ang mga informal settler families, isulong ang sustainable housing solutions, at palakasin ang housing assistance para sa mga empleyado ng state universities and colleges.
Kabilang sa mga panukalang tinalakay ang pagtatatag ng Solar Home Systems Financing Program para sa social housing beneficiaries; pagpapabuti ng delivery ng socialized housing programs; paglikha ng sustainable housing program para sa state university and college personnel; pagprotekta sa mga karapatan at kapakanan ng informal settler families sa pamamagitan ng local housing boards; at isang Senate resolution na humihiling ng imbestigasyon sa living conditions ng mga pamilyang nakatira sa underutilized at idle government lands.
Tinalakay din ng komite ang tatlong karagdagang housing measures na inakda ni Escudero: Senate Bill 2569, na naglalayong i-exempt ang common areas sa residential condominium at subdivision projects mula sa real property tax; SB 2570, na nagmumungkahi ng interest subsidy program para sa economic at socialized housing loans; at SB 2571, na naglalayong palakasin at i-streamline ang pagpapatupad ng Balanced Housing Development Program sa ilalim ng Urban Development and Housing Act of 1992.
“Wala pong naiwan o naipong panukala sa ating komite mula nang tayo’y maupo bilang chairman. Siniguro natin na lahat ng ipinasa sa Urban Planning committee ay may agarang aksyon,” pahayag ni Escudero.
Sinabi ng beteranong mambabatas na nananatiling nakatuon ang komite sa pagsusulong ng mga panukalang magpapabuti sa housing at urban development framework ng bansa, lalo na para sa low-income families, informal settlers, at mga komunidad na bulnerable sa displacement.
“Ang mabilis na pag-usad ng mga panukala ay patunay ng ating layunin na palakasin ang mga programang pabahay at urban development sa bansa,” aniya.
Patuloy na pinananatiling napapanahon ng panel ang docket nito, at tinitiyak na ang bawat panukalang isinangguni dito ay dumadaan sa napapanahong deliberasyon at naaangkop na committee action.
Maraming mahahalagang panukala na ang naipasa sa Senado, kabilang ang Condominium Redevelopment Act sa ilalim ng Senate Bill 2420, na naaprubahan na sa third reading at ang bicameral conference committee report ay niratipikahan na ng upper chamber.
Ina-update ng panukala ang redevelopment rules para sa mga lumang condominium projects at pinagsasama-sama ang ilang reform proposals sa iisang legislative framework.
Apat pang panukala ang naaprubahan din sa third reading: ang bill na nagpapahusay sa kapasidad ng gobyerno na ipatupad ang socialized housing projects sa pamamagitan ng rationalization ng land acquisition at utilization (SB 1992); ang panukalang nag-e-exempt sa underprivileged at homeless appellants mula sa pag-post ng supersedeas bonds (SB 70); ang panukalang nagsusulong ng adequate at decent housing sa pamamagitan ng usufruct arrangements (SB 2421); at ang Residential Emancipation Act for calamity survivors (SB 2508).
Marami pang ibang bills ang naaprubahan sa second reading, kabilang ang mga panukalang nagtatatag ng Rental Housing Subsidy Program at Affordable and Decent Rental Housing Incentives Act.
Layunin ng mga panukalang ito na palakasin ang suporta ng gobyerno para sa abot-kayang pabahay at palawakin ang mga available na housing options para sa mga pamilyang Pilipino.
Nag-sponsor din ang senador mula sa Bicol ng iba pang priority housing measures na naghihintay pa ng karagdagang aksyon sa Senate floor.
Samantala, nananatili pa ring nasa ilalim ng review ng technical working groups at subcommittees ang ilang panukala, kabilang ang regulasyon ng dormitories at boarding houses, at ang paglikha ng local housing boards.
Sinabi ni Escudero na patuloy na uunahin ng komite ang mga panukalang tumutugon sa housing affordability, security of tenure, at sustainable urban development.
“Our goal is simple: to ensure that housing legislation moves forward and that government policies respond to the needs of Filipino families seeking safe, decent, and affordable homes,” aniya. Ernie Reyes