Home METRO Pasaherong nag-bomb joke sa NAIA, arestado

Pasaherong nag-bomb joke sa NAIA, arestado

1
0

PASAY CITY, Philippines – Arestado ang isang 50-anyos na lalaking pasaherong patungong Hong Kong matapos umanong magbiro tungkol sa bomba sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (AVSEGROUP), nangyari ang insidente nitong Martes sa departure area habang ipinapaliwanag ng airline passenger service agent ang mga patakaran sa pagdadala ng mga mapanganib na gamit at electronic devices.

Sinabi umano ng pasahero sa airline personnel, “Bomba, may bomba ‘yan.”

Inimbestigahan ito ng mga tauhan ng AVSEGROUP at nakipag-ugnayan sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) team.

Matapos inspeksyunin ang bagahe ng pasahero at ang paligid, idineklara ng mga awtoridad na walang pampasabog o incendiary materials na nakita.

Dinala ang suspek sa NAIA Police Station 1 para sa kaukulang disposisyon.

Inihahanda na ang reklamong paglabag sa Anti-Bomb Joke Law kaugnay ng Article 287 ng Revised Penal Code o Unjust Vexation.

Binigyang-diin ni AVSEGROUP Director Police Brigadier Dionisio Bartolome Jr. na hindi dapat binabalewala ang mga biro tungkol sa bomba dahil maaari itong magdulot ng alarma at makaantala sa operasyon ng paliparan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here