MANILA, Philippines – Handa ang gobyerno na ipa-audit sa Commission on Audit (COA) ang nagasta nito para sa pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na handa ang gobyerno na mag-report para ipakita sa publiko kung saan napunta lahat ang pinaghandaan nito bilang host ng ASEAN Summit.
“Ang budget po sa ASEAN Summit ang naka-allocate po ay P22.9 billion representing the total funding allocated for ASEAN 2026 pero hindi naman po ibig sabihin na ito po ay nagasta na at kung anuman at kung magkano man ang nagastos iyan po ay amin namang iri-report dahil hindi pa po makakapagbigay ng pinal na report or accounting dahil hindi pa po tapos ang ASEAN Summit,” ani Castro.
Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na sa ngayon ay wala pang pigura o halaga ng kabuuang nagastos ng gobyerno para sa ASEAN Summit kaya’t walang dahilan pata ikumpara ang pondong inilaan ng gobyernong Marcos sa nagasta ng nakalipas na administrasyon gaya ng administrasyong Duterte na P3.79 billion at administrasyong Arroyo na P1 bilyon lamang.
“Mas dapat nating tingnan ano iyong nasakop, ano iyong nagawa, ano iyong maaaring maging resulta nito kaysa sa ano iyong nagastos noon at kung ano iyong magagastos ngayon dahil ang Pangulo alam naman natin ang pondo ng bayan dapat ibalik sa taumbayan,” diing pahayag ni Castro.
Ang ASEAN Summit aniya ay hindi isang simpleng event, ito ay event kung saan maipapakita aniya ng Pilpinas, bilang host kung paano protektahan ang lider ng ibang bansa.
Bukod pa sa, isa aniya itong event para sa mga filipino makakaasa na ito ay magdudulot at magreresulta sa pagpupursige na rin ng gobyerno ng magandang partnership at ma-advance ang national interest ng Pilipinas sa loob ng rehiyon.
“At ang mga ginastos po dito maliban sa pagprepara gusto nating ipabatid na nakumpleto na po ng ating pamahalaan ang 393 meetings to advance our priorities at mayroon pa pong naka-schedule na 164 na mga meetings – so, that is more than 550 meetings in total compared with 279 meetings during the 2017 Philippine Summit,” ang sinabi ni Castro.
Binigyang diin pa ni Castro na hindi hahayaan ni Pangulong Marcos na magastos ang pondo para sa ASEAN Summit sa mali. Titiyakin aniya ng Pangulo na mapunta ang pondo sa tama.
“Ito po ay iri-report at ito ay masa-subject sa COA kaya dapat mapanatili ng gobyernong ito ang paglaban sa korupsiyon kaya lahat pong itong magagastos ay para din po sa bawat Pilipino.
Ang piso na magagastos natin ito ay investment para sa ating bansa at para sa ating mga Pilipino at Pilipinong manggagawa. (KRIS JOSE)