MANILA, Philippines – Muling inilunsad ng Department of Energy (DOE) ang coal auction na kinabibilangan ng mga coal block sa Semirara Island sa Antique, sa kabila ng mga pagtutol sa patakarang nag-aatas sa mga mining company na isuko sa gobyerno ang kanilang mga ari-arian.
Batay sa notice of bidding na inilabas noong Nobyembre 10, isasagawa ang auction alinsunod sa Joint Administrative Order No. 2026-01 ng DOE at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Saklaw ng bidding ang 10 coal block sa Semirara Island sa Caluya, Antique; tatlong coal block sa Amulung at Iguig, Cagayan; at limang block sa Benito Soliven, Naguilian at Cauayan sa Isabela.
Ayon sa iskedyul ng DOE, gaganapin ang pre-bid conference sa Nobyembre 13, habang ang deadline ng pagsusumite at pagbubukas ng mga bid ay sa Disyembre 11.
Itatakda naman sa Disyembre 28 ang pagdedeklara sa highest-rated qualified bidder, habang inaasahang ilalabas ang notice of award sa Enero 11, 2027.
Ayon sa notice, may karapatan ang DOE na tanggapin o tanggihan ang anumang bid, baguhin ang mga dokumento, o suspindihin at kanselahin ang bidding bago ang paggawad ng kontrata.
Una nang kinuwestiyon ng Consunji-led Semirara Mining and Power Corporation (SMPC) ang mga bagong patakaran na nag-aatas sa kumpanya na isuko sa gobyerno ang mga ari-arian nito kung lalahok sa auction para sa mga minahan sa Semirara Island.
Kinuwestiyon din ng SMPC ang pagbabago sa pamantayan sa pagpili ng mananalo. Sa halip na pinakamay kakayahang mining company, pinakamataas na bidder na ang pangunahing batayan sa paggawad ng kontrata.
Nagpahayag din ng pangamba ang Japanese Chamber of Commerce and Industry of the Philippines Inc. sa patakaran sa pagsuko ng mga ari-arian dahil maaari umano itong makaapekto sa kalagayang pinansyal ng mga kasalukuyang operator. RNT/MDS