MANILA, Philippines – May sariling tahanan na sa University Belt ang Universidad de Manila (UdM) matapos bilhin ng Manila City Government sa halagang ₱975 milyon ang walong magkakadugtong na lote sa kahabaan ng C.M. Recto Avenue mula sa Land Bank of the Philippines (Landbank).
Inihayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang matagumpay na transaksiyon sa seremonya ng paglagda sa Contract to Sell na ginanap sa Bulwagang Katipunan, Manila City Hall nitong Huwebes, Nobyembre 12.
Ayon kay Domagoso, orihinal na nagkakahalaga ng ₱2.3 bilyon ang mga ari-arian ngunit napababa ito sa ₱975 milyon matapos ang pakikipagnegosasyon at paggamit ng financial engineering ng pamahalaang lungsod.
“Ito pong property na ito ay nagkakahalagang tumataginting na 2.3 billion pesos. Kaya ko kayo pinapalakpakan sa kanila eh, kasi nakuha lang natin ng 975 million pesos,” pahayag ni Yorme Isko.
Hindi rin kailangang bayaran nang minsanan ang naturang halaga dahil isinagawa ang kasunduan sa pamamagitan ng hulugang pagbabayad, kabilang ang paunti-unting paghuhulog sa down payment.
Ayon sa alkalde, ipinakita ng Landbank ang tiwala nito sa mas maayos na pamamahala sa pananalapi ng Maynila at sa layunin ng lungsod na gamitin ang mga ari-arian para sa kapakinabangan ng publiko.
May lawak na 7,000 square meters ang bagong campus na may mga frontage sa Recto Avenue at Bilibid Viejo. Dahil dito, mapapalawak ang kapasidad ng UdM mula 48 tungo sa 84 na silid-aralan at magkakaroon pa ng walong bagong laboratoryo.
Inaasahang tataas din ang kapasidad ng unibersidad na tumanggap ng mga estudyante mula 9,000 hanggang 20,000, na magbibigay ng mas maraming pagkakataon sa mga kabataang nais makapag-aral sa kolehiyo.
Sinabi ni Isko na matagal nang naghahanap ang lungsod ng permanenteng lokasyon para sa UdM dahil kalat-kalat sa iba’t ibang lugar ang mga pasilidad nito.
“Ang UdM po ay sabog-sabog eh, disintegrated,” paliwanag ng alkalde, na tinukoy ang pangangailangang magkaroon ng iisang permanenteng tahanan ang unibersidad.
Samantala, sinabi ni Landbank President at CEO Lynette V. Ortiz na handa silang magbigay ng karagdagang suporta at pondo para sa pagsasaayos ng mga gusali at pasilidad ng bagong campus.
Isasama rin ang UdM sa Cash-Lite Campus program ng Landbank upang maisulong ang paggamit ng digital financial services sa loob ng unibersidad.
Kapag natapos ang pagbabayad, ililipat ang titulo ng mga ari-arian sa pangalan mismo ng Universidad de Manila bilang isang institusyon, upang matiyak na mananatili itong pag-aari ng unibersidad kahit magpalit pa ng administrasyon sa Maynila.
Target ng pamahalaang lungsod na maging ganap na operational ang bagong campus pagsapit ng 2028. JAY Reyes