Home NATIONWIDE PBBM, umaasang mas maraming dayuhang bibisita sa Pinas dahil sa ASEAN Summit

PBBM, umaasang mas maraming dayuhang bibisita sa Pinas dahil sa ASEAN Summit

2
0

MANILA, Philippines – Umaasa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas maraing dayuhan kasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan ang bibisita sa Pilipinas dahil sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Ito’y makaraang makita ng mga ito ang ganda ng bansa, kultura at pagiging magiliw ng mga Pilipino.

“Kabilang din ang pagkakataon para sa ating turismo na maengganyo ang mga bisita natin na bumalik at tuklasin pa ang Pilipinas. Sana pagbalik nila rito, ito ay para sa bakasyon na, at dala-dala ang kanilang mga kaibigan at ang kanilang mga pamilya,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang BBM Vlog tungkol sa ASEAN 2026.

Ayon sa Pangulo, malaking pagkakataon ang pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit upang maipakita hindi lamang sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya kundi maging sa buong mundo ang ganda ng Pilipinas at husay ng mga Pilipino.

Makikinabang din aniya sa pagtitipon ang mga hotel, restaurant, transport provider, gumagawa ng pagkain at mga lokal na artisan na nagbibigay ng produkto at serbisyo para sa mga bisita.

Kabilang dito ang mga pagkaing Pilipino, souvenir, damit at iba pang produktong gawa ng mga lokal na manggagawa at designer.

“Noong nag-inspeksyon ako, nakita ko naman na napakaganda ang inyong mga naging produkto, yung mga ipapakain. Kaya tiyak ako na ito ay maaalala nila at ito ay magiging dahilan kung bakit sila ay babalik ito sa atin,” ang winika ng Pangulo.

Sa kabilang dako, sinabi ni Acting Tourism Secretary Ma. Bernardita Angara-Mathay na inaasahang aabot sa 10,000 delegado at dayuhang mamumuhunan ang dadalo sa ASEAN Summit na gaganapin sa Nobyembre 15 hanggang 17, 2026, sa Philippine International Convention Center (PICC).

Nakahanda rin aniya ang Department of Tourism (DOT) na mag-organisa ng mga tour para sa mga dayuhang delegado na nais mamasyal at bumisita sa iba’t ibang destinasyon sa Pilipinas pagkatapos ng summit.

Ang Pilipinas ang namumuno sa ASEAN sa 2026 sa mahalagang yugto para sa rehiyon na may halos 700 milyong populasyon at ikalimang pinakamalaking ekonomiya sa mundo, habang hinaharap nito ang malalaking oportunidad at patuloy na nagbabagong mga hamon sa buong daigdig.

Bilang Tagapangulo ng ASEAN, may buong tatag at malinaw na pananaw na gagampanan ng Pilipinas ang responsibilidad na ito, alinsunod sa temang “Navigating Our Future, Together.”

Sa pamamagitan ng ASEAN Summit, umaasa ang gobyerno na mas makikilala ang Pilipinas bilang isang magandang destinasyon para sa mga turista at mas maraming dayuhan ang mahihikayat na bumalik sa bansa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here