MANILA, Philippines – Isinusulong ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ang mga proyektong magpapahusay sa mga fish port at market infrastructure sa Camarines Sur, Camiguin at Pampanga bilang bahagi ng modernisasyon ng mga pasilidad sa pangisdaan.
Inaasahang aabot sa 137,000 stakeholder sa sektor ng pangisdaan ang makikinabang sa mga proyekto sa pamamagitan ng mas maayos na paghawak sa mga huling isda, dagdag na kapasidad sa cold storage at mas episyenteng sistema ng distribusyon at pag-access sa merkado.
Kabilang sa mga proyekto ang Mambajao Modern Fish Port sa Camiguin, na direktang makikinabang ang 1,652 stakeholder at magbibigay ng benepisyo sa humigit-kumulang 34,000 indibidwal.
Nakapagtala ang Camiguin ng average fish production na 12.51 metriko tonelada kada araw noong 2024. Kabilang sa pangunahing huli sa lalawigan ang tuna, small mackerel, galunggong, bisugo at yellowfin tuna.
Inaasahang mapapahusay ng modernisadong pasilidad ang paghawak sa mga isda at mapabibilis ang paghahatid ng mga produktong pangisdaan mula sa mga bagsakan patungo sa mga pamilihan.
Sa Pampanga, isinusulong naman ang Masantol Modern Fish Market na magkakaroon ng ice plant na may kapasidad na 20 metriko tonelada at ice storage facility. Direktang makikinabang dito ang 1,750 stakeholder at tinatayang 40,000 indibidwal.
Nakapagtala ang Masantol ng average fish production na 6.58 metriko tonelada kada araw noong 2025. Inaasahang makatutulong ang pasilidad sa pagpapanatili ng kalidad ng mga huli, pagbawas sa postharvest losses at pagpapataas ng halaga ng mga produktong gaya ng sugpo, alimango, tilapia at ayungin.
Samantala, palalawakin din ang Camaligan Fish Port sa Camarines Sur. Inaasahang direktang makikinabang dito ang 2,636 stakeholder at humigit-kumulang 18,000 indibidwal.
Binigyang-diin ni PFDA General Manager Atty. Glen A. Pangapalan ang layunin ng ahensiya na magtayo ng moderno, episyente at madaling ma-access na mga pasilidad na tutugon sa pangangailangan ng mga mangingisda, trader at iba pang stakeholder sa industriya. SANTI CELARIO