MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang indibidwal kabilang ang 18-anyos na totoy na kapwa nasa talaan ng mga Most Wanted Persons (MWP) sa magkakahiwalay na manhut operation sa mga lungsod ng Navotas at Caloocan, napaulat kahapon.
Ikinasa ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang pagtugis sa 18-anyos na teenager na akusado sa Statutory Acts of Lasciviousness at nakatala bilang No. 8 Top Most Wanted Person sa Caloocan CPS.
Pasado alas-3:40 ng hapon nang tuluyang masukol ng mga operatiba ng Caloocan Police Warrant and Subpoena Section ang akusado sa Brgy., 176-E, Bagong Silang.
Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Statutory Acts of Lasciviousness na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 131, Caloocan City, noong October 19, 2026, na may inirekomendang piyansa na P108,000.
Sa Navotas, alas-5:15 ng hapon nang madakip naman ng mga operatiba ng Northern Police District (NPD) ng Intelligence Section of the District Mobile Force Battalion (DMFB) ang 37-anyos na lalaki na nahatulan na kaugnay sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Binitbit ang akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Section 15, Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 286, Navotas City, noong November 9, 2026, para sa service of sentence. (Merly Duero)