VALENZUELA CITY, Philippines – Arestado ang isang 47-anyos na pintor matapos umanong tutukan ng baril at pagbantaan ng kamatayan ang isang lalaki na hindi makabayad sa utang nitong P5,000 sa Valenzuela City.
Nahaharap ang suspek na kinilalang si alyas “Julius,” residente ng Barangay Mapulang Lupa, sa kasong grave threats at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad ang biktimang si alyas “Adrian,” 28, sa Padrigal Extension, Barangay Karuhatan, dakong alas-3:20 ng madaling araw.
Papunta sana ang biktima sa bahay ng kaibigan upang mangutang nang komprontahin siya ng suspek at piliting singilin sa P5,000 na hiniram nito.
Nang sabihin ni Adrian na wala pa siyang pambayad, bumunot umano ng baril ang suspek at nagbanta, “Kapag hindi mo ako binayaran, papatayin kita.”
Dahil dito, tumakbo ang biktima hanggang makahingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9.
Agad na rumesponde sina PCpl. Siquig at Pat. Varona na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska mula sa kanya ang isang walang dokumentong improvised firearm na kargado ng isang bala ng kalibre .38. Rene Manahan/Merly Duero