VALENZUELA CITY, Philippines – Arestado ang isang 55-anyos na lalaki matapos makuhanan ng tinatayang P102,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Huwebes ng madaling araw.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ang suspek sa alyas na “Mate,” residente ng Barangay Ugong.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng suspek kaya ikinasa ang buy-bust operation sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil, sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Dakong alas-3:00 ng madaling araw sa Feliciano Street corner Que Balag Street, Barangay Ugong, inaresto ang suspek matapos makatanggap ng senyas ang mga operatiba mula sa kasamahang nagpanggap na poseur buyer na matagumpay ang transaksyon.
Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000, isang tunay na P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money, coin purse at P50 cash.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. Rene Manahan/Merly Duero