Home METRO Miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group patay sa engkuwentro sa Maguindanao del Sur

Miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group patay sa engkuwentro sa Maguindanao del Sur

1
0

MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines – Napatay ang isa pang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG), habang dalawa pa ang sugatan sa engkuwentro ng militar at pulisya sa Barangay Kuloy, Shariff Aguak, nitong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Lt. Col. Loqui Marco, commanding officer ng 90th Infantry Battalion (IB), target ng pinagsanib na operasyon sina Tahir Salik, alyas “Joross Salik” o “Zubair,” at Samin Tagal, alyas “Samin,” na kapwa umano miyembro ng DI-HG.

Nahaharap ang dalawa sa mga kasong murder, frustrated murder at robbery, at may mga inilabas na warrant of arrest laban sa kanila.

Ayon sa mga awtoridad, nanlaban umano ang mga suspek nang arestuhin, na nagresulta sa 15 minutong palitan ng putok. Napatay si Salik habang dinala naman sa ospital ang dalawa niyang umano’y kasamahan na sugatan.

Narekober sa lugar ang dalawang M16 rifle, isang .45-caliber pistol, mga magazine at bala, ayon kay Brig. Gen. Gremel Brual, commander ng 601st Infantry Brigade.

Noong Nobyembre 8, isa ring miyembro ng DI-HG na si Amar Sansawi Usman, alyas “Amar Usman” o “Akhie Usman,” ang napatay sa operasyon sa Barangay Kapinpilan, Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Iniuugnay si Usman sa pananambang noong Marso 28, 2026 sa Barangay Poblacion, Shariff Aguak, na ikinasawi ng limang pulis.

Kabilang sa mga lumahok sa operasyon nitong Huwebes ang 601st Infantry Brigade, 90IB, 34IB, Shariff Aguak Municipal Police Station at PNP Special Action Force.

Pinuri ni Maj. Gen. Edgar Catu, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang mga tauhan ng militar at pulisya na nagsagawa ng operasyon. Tiniyak din niyang patuloy na susuportahan ng militar ang pulisya sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaligtasan at kapayapaan sa mga komunidad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here