MANILA, Philippines – Nag-alok ng ₱2 milyong pabuya si Zamboanga City Mayor Khymer Olaso para sa impormasyong magbibigay-daan sa pagkakakilanlan at pagkakadakip sa mga responsable sa pagpatay kay Regional Trial Court (RTC) Judge Joseph Wee Sit ng Isabela City, Basilan.
Batay sa pahayag ng pamahalaang lungsod, ibibigay ang pabuya sa sinumang makapagbibigay ng kapani-paniwala at mapapatunayang impormasyon tungkol sa mga salarin at kanilang kinaroroonan.
Matatandaang pinagbabaril si Sit habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan sa Tumaga-Putik Road, Barangay Tumaga, Zamboanga City dakong alas-5:25 ng umaga nitong Huwebes, Nobyembre 12.
Ayon sa pulisya, papunta sana ang hukom sa pantalan upang bumiyahe patungong Isabela City nang pagbabarilin ng mga armadong lalaking sakay ng motorsiklo.
Isinugod siya sa ospital ngunit kalaunan ay binawian ng buhay.
Bumuo na ang Zamboanga City Police Office ng Special Investigation Task Group (SITG) upang tutukan ang paghahanap sa mga salarin at pagtukoy sa motibo ng krimen.
Samantala, kinondena ng Korte Suprema ang pagpatay sa hukom at tiniyak na nakikipagtulungan ang Office of the Judiciary Marshals sa mga awtoridad para sa imbestigasyon.
Inatasan din ni Chief Justice Rodil Zalameda ang Office of the Court Administrator na makipag-ugnayan sa pamilya ng biktima upang maibigay ang kinakailangang tulong.
Nanawagan naman ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na papanagutin hindi lamang ang mga direktang responsable sa pamamaril kundi maging ang sinumang nagplano o nag-utos ng krimen.
Patuloy ang imbestigasyon habang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa pagpatay. Mary Anne Sapico