MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin Mendoza ang kanyang pagkakatalaga bilang bagong pinuno ng Bureau of Customs (BOC), kapalit ni Commissioner Ariel Nepomuceno.
Sa pahayag nitong Huwebes, Nobyembre 12, nagpasalamat si Mendoza kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tiwalang ibinigay sa kanya upang pamunuan ang Customs.
Nangako rin siyang ipagpapatuloy ang mga repormang sinimulan ni Nepomuceno, partikular sa pagpapalakas ng border security, pangongolekta ng buwis at pagpapabilis ng mga proseso sa kalakalan.
Samantala, nakatakdang lumipat si Nepomuceno sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) matapos ang mahigit isang taong panunungkulan sa BOC.
Sa hiwalay na pahayag, nagpasalamat si Nepomuceno sa mga kawani ng ahensya sa kanilang suporta at pakikiisa sa mga isinagawang reporma.
Ayon sa BOC, umabot sa ₱1.327 trilyon ang nakolektang duties at taxes mula Hulyo 2025 hanggang Oktubre 2026 sa ilalim ng pamumuno ni Nepomuceno.
Nagsagawa rin ang ahensya ng 1,452 enforcement at intelligence operations na nagresulta sa pagkakasamsam ng ₱50.93 bilyong halaga ng mga ilegal at smuggled na produkto.
Samantala, si Department of Finance Undersecretary Rolando Ligon Jr. naman ang nakatakdang pumalit kay Mendoza sa BIR bilang bahagi ng pagbabago sa pamunuan ng mga pangunahing revenue agency ng pamahalaan. Dave Medina