Home NATIONWIDE SC, tatalupan Basilan judge ambush

SC, tatalupan Basilan judge ambush

1
0

MANILA, Philippines – Nakikipagtulungan na ang Office of the Judiciary Marshals (OJM) ng Korte Suprema sa mga awtoridad upang matukoy at madakip ang mga responsable sa pagpatay kay Regional Trial Court (RTC) Judge Joseph M. Wee Sit sa Zamboanga City nitong Huwebes, Nobyembre 12.

Sa opisyal na pahayag ng Supreme Court (SC), sinabi nitong hindi muna maaaring isapubliko ang mga detalye ng imbestigasyon upang hindi malagay sa panganib ang mga sangkot at maiwasang makompromiso ang operasyon.

Kasabay nito, inatasan ni Chief Justice Rodil Zalameda ang Office of the Court Administrator (OCA), sa pamamagitan ng Regional Court Manager at Executive Judge ng Basilan, na personal na makipag-ugnayan sa pamilya ng hukom upang maibigay ang kinakailangang tulong-pinansyal at iba pang suporta.

Matatandaang pinagbabaril si Sit, presiding judge ng RTC Branch 2 sa Isabela City, Basilan, habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa Tumaga-Putik Road, Barangay Tumaga, Zamboanga City.

Isinugod ang hukom sa ospital ngunit binawian din ng buhay dahil sa mga tama ng bala.

Mariing kinondena ng Korte Suprema ang pagpatay at binigyang-diin na ang karahasan laban sa mga hukom ay banta hindi lamang sa kanilang kaligtasan kundi maging sa kalayaan ng hudikatura na maghatid ng patas na hustisya.

Si Sit, 38, ay nagtapos ng abogasya sa Western Mindanao State University at naging ganap na abogado noong 2015.

Nagsilbi siyang prosecutor at public attorney bago italaga sa hudikatura noong Setyembre 23, 2025.

Tiniyak naman ng Korte Suprema ang patuloy na pakikipagtulungan sa mga awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pagpatay sa hukom. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here