Home NATIONWIDE P50M pabuya sa pagdakip kay Bato, legal — DOJ chief

P50M pabuya sa pagdakip kay Bato, legal — DOJ chief

1
0

MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ni Justice Secretary Fredderick Vida ang legalidad ng ₱50 milyong pabuya na inilaan ng pamahalaan para sa impormasyong magbibigay-daan sa pagkakadakip kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Sinabi ni Vida na maaaring saklawin ng confidential intelligence operations ang pagbibigay ng pabuya upang makakalap ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng senador.

Iginiit niyang legal ang naturang hakbang, bagama’t tumanggi siyang magkomento sa mismong halaga ng pabuya dahil ibang ahensya ang nangangasiwa rito.

Matatandaang noong Oktubre 23 ay nag-anunsyo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱50 milyong reward para sa impormasyong magreresulta sa pagkakadakip kay Dela Rosa.

Gayunman, kinuwestiyon ng kampo ng senador ang legalidad ng pabuya dahil wala umanong arrest warrant na inilabas laban sa kanya ng korte sa Pilipinas.

Samantala, nagpahayag din ng pagkadismaya si Vida sa pagkawala ni Dela Rosa matapos itong umalis sa Senado noong Mayo 14, sa kabila ng naunang pagkakaloob sa kanya ng protective custody.

Ayon sa kalihim, iginalang ng executive branch ang kustodiya ng Senado at ang legal na proseso kaugnay ng paghiling ng senador ng temporary restraining order (TRO).

Kinuwestiyon din niya kung kusang nakatakas o may tumulong sa pagtakas ng senador.

May nakabinbing warrant of arrest laban kay Dela Rosa mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Inilabas ang warrant noong Nobyembre 6, 2025 at isinapubliko noong Mayo 11, 2026.

Nauna nang itinanggi ni Dela Rosa ang pagkakasangkot sa mga ilegal na pagpatay at kinuwestiyon ang hurisdiksyon ng ICC.

Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa senador upang maipatupad ang warrant of arrest laban sa kanya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here