MANILA, Philippines – Maaari nang magsimula nang alas-6 ng gabi ang mga anticipated Simbang Gabi Mass, habang hanggang alas-5:30 ng madaling araw naman maaaring simulan ang huling morning Mass, ayon sa bagong guidelines na inilabas ng Archdiocese of Manila.
Sa Circular No. 2026-106 na may petsang Nobyembre 12, inilatag ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga patakaran para sa siyam na araw na Simbang Gabi bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko.
Magsisimula ang tradisyunal na Simbang Gabi sa Disyembre 16 at magtatapos sa Disyembre 24, habang maaaring idaos ang mga anticipated evening Mass mula Disyembre 15 hanggang 23.
Sa ilalim ng guidelines, maaaring gamitin sa mga evening Mass ang mga panalangin at pagbasa para sa susunod na araw, maliban sa Linggo ng gabi kung saan dapat sundin ang mga pagbasa at panalanging nakatalaga para sa Linggo.
Itinakda rin na gagamit ng puting kasuotang liturhikal ang mga pari at aawitin o bibigkasin ang Gloria sa lahat ng Simbang Gabi Mass, kabilang ang Linggo.
Samantala, ang Creed ay bibigkasin lamang tuwing Linggo.
Nilinaw din ng Archdiocese na kailangang humingi ng tahasang pahintulot kay Cardinal Advincula kung magdaraos ng Simbang Gabi sa mga opisina, pribadong lugar, o iba pang pasilidad na hindi kabilang sa mga kinikilalang simbahan at regular na lugar ng pagdarausan ng misa.
Inilabas ang mga patakaran batay sa rekomendasyon ng Presbyteral Council at Archdiocesan Liturgical Commission upang matiyak ang maayos na pagdiriwang ng Simbang Gabi sa mga parokyang nasasakupan ng Archdiocese of Manila. RNT