Home NATIONWIDE Negosasyon sa South China Sea Code of Conduct, 70% nang kumpleto –...

Negosasyon sa South China Sea Code of Conduct, 70% nang kumpleto – DFA

1
0

MANILA, Philippines – Nasa 70 porsiyento na ang natatapos sa negosasyon para sa matagal nang inaabangang Code of Conduct (COC) sa South China Sea, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes.

Gayunman, hindi pa tiyak kung matatapos ang kasunduan sa loob ng taon, sa kabila ng malaking pag-unlad sa mga pag-uusap habang Pilipinas ang namumuno sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Ayon kay DFA-ASEAN spokesperson Dax Imperial, nagpapatuloy ang mga talakayan at nananatiling determinado ang mga partido na maipagpatuloy ang negosasyon.

“But all I can say is, all are committed to continue the discussions even at this time,” pahayag ni Imperial sa kanyang unang press briefing sa International Media Center noong Nobyembre 13, bago ang 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong.

Aniya, may ilang probisyon sa kasunduan na kailangan pang linawin at ayusin bago matapos ang negosasyon. Hindi naman niya tinukoy kung anu-ano ang mga ito.

Layunin ng COC na palakasin ang 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea ng ASEAN at China sa pamamagitan ng isang kasunduang magsisilbing gabay sa pamamahala ng tensyon sa pinag-aagawang karagatan.

Kabilang sa mga isyung pinag-uusapan ang saklaw at batayan ng kasunduan, gayundin ang posisyon ng China. May mga panawagan ding gawing legally binding ang dokumento.

Noong Oktubre, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Singapore na hindi siya kumpiyansang matatapos ang negosasyon pagsapit ng Nobyembre, bagama’t kinilala niya ang malaking pag-unlad sa mga pag-uusap.

“We will not stop working on it,” sinabi ng Pangulo.

Binigyang-diin din niya na determinado ang mga partido na magkaroon ng kasunduan upang makatulong sa pagpapababa ng tensyon sa rehiyon.

Samantala, dadalo sa ASEAN Summit si Chinese Premier Li Qiang bilang kinatawan ng China, ayon sa foreign ministry ng Beijing. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here