Home NATIONWIDE Senate probe ikinasa ni Tulfo vs spaghetti wires, electrical hazards sa kalye

Senate probe ikinasa ni Tulfo vs spaghetti wires, electrical hazards sa kalye

1
0

MANILA, Philippines – Ikinasa ni Senador Raffy Tulfo ang isang resolusyon upang paimbestigahan ang aksidente at panganib sa publiko ng nakalaylay at hindi maayos na paglalatag ng electrical at utility wires, matapos ang ilang naiulat na insidente na kinasasangkutan ng mga motorista, pedestrian, at bata.

Layunin ng Senate Resolution No. 776, na inihain ni Tulfo nitong Miyerkules, na atasan ang Senate Committee on Public Services na magsagawa ng inquiry in aid of legislation sa mga aksidente, electrocutions, at iba pang hazards na dulot ng mabababa, hindi maayos na naka-install, at hindi maayos na pinapanatiling electrical at overhead utility lines, cables, at poles.

Si Tulfo, na siyang chair ng komite, ay binanggit ang ilang insidente na itinampok sa kanyang programa, kabilang ang electrocution noong Abril 28 ng isang Grade 3 pupil na kinailangang putulin ang mga kamay dahil sa tindi ng pinsala.

Binanggit din sa resolusyon ang dokumentasyon noong Marso 18 ng nakalaylay na “spaghetti wires” sa Valenzuela City, na nagdulot ng panganib sa mga motorista, pedestrian, at residente.

Kabilang sa iba pang insidenteng binanggit sa resolusyon ang kaso noong Agosto na kinasasangkutan ng isang senior citizen street sweeper sa Valenzuela City na kinaladkad ng ilang metro matapos sumabit ang isang delivery truck sa isang cable.

Nag-iwan ang insidente ng malubhang pinsala sa biktima na nangailangan ng operasyon.

Ayon kay Tulfo, binibigyang-diin ng mga paulit-ulit na insidente ang pangangailangang tukuyin ang mga may-ari ng mapanganib na utility lines.

Hinangad din niyang tukuyin ang mga responsibilidad ng mga utility companies at public authorities upang magtatag ng malinaw na inspection at reporting mechanisms.

“There is likewise a need to assess the adequacy of existing laws, regulations, local ordinances, permit requirements, safety standards, inspection mechanisms, penalties, procedures, as well as remedies available to victims of accidents and electrocutions caused by unsafe electrical and overhead utility infrastructure,” dagdag ni Tulfo sa kanyang panukala.

Ang iminungkahing inquiry ay naglalayon ding palakasin ang koordinasyon sa mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang Metropolitan Manila Development Authority, local government units, at ang Transportation, Public Works and Highways, Information and Communications Technology, at Energy departments.

Bukod dito, ang Energy Regulatory Commission, National Telecommunications Commission, electric distribution utilities, telecommunications companies, cable service providers, internet service providers, at contractors ay kinilala rin bilang mga stakeholder na dapat makipagtulungan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here