SURIGAO CITY, Philippines – Agad na sinuspinde ng Maritime Industry Authority (Marina) ang Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) ng MV Georgia 1 matapos sumadsad ang barko sa Port of Surigao sa Surigao City madaling-araw nitong Huwebes.
Ayon sa Marina, isinagawa ang suspensyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Transportation Secretary Vince Dizon na tiyakin ang ligtas at maaasahang serbisyo sa transportasyong pandagat.
Pinatatakbo ng San Ricardo Shipping Lines Corp. ang MV Georgia 1. Umalis ito sa San Ricardo, Southern Leyte at dumating sa Port of Surigao bandang alas-4 ng madaling-araw.
Batay sa paunang ulat ng Marina, nakaranas ang barko ng biglaang malalakas na bugso ng hangin at malalakas na agos ng tubig habang low tide at nagmamaniobra para dumaong. Dahil dito, naitulak ito patungo sa mababaw na bahagi ng dagat at sumadsad.
Binigyang-diin ni Marina Officer-in-Charge Administrator Loumer Bernabe na hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan ng mga pasahero para lamang maipagpatuloy ang operasyon ng mga barko.
“No vessel should be allowed to continue operating until its seaworthiness is assured,” ani Bernabe.
Nagsasagawa na ng underwater inspection upang masuri ang kondisyon ng katawan ng barko. Inatasan din ang shipping company na magsumite ng notarized Marine Protest.
Mananatiling suspendido ang PSSC ng MV Georgia 1 hanggang matapos ng Marina ang inspeksyon at pagsusuri at makumpirmang ligtas na itong muling bumiyahe. RNT/MDS