MANILA, Philippines – Lubhang ikinagulat ng Prosecution Panel ang pagbasura ng defense team ni Vice President Sara Duterte sa 16 na opisyal ng ilang bangko na magpapatunay sana sa dollar account nito at kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
SA ika43 paglilitis ni VP Sara sa impeachment court, ibinasura ng defense team ang huli nitong testigo mula sa Bank of the Philippine Islands (BPI), na naging dahilan upang mawalan ng pagkakataon ang prosekusyon na magtanong tungkol sa bank records na umano’y makapagbibigay-linaw sa kanyang alleged dollar accounts.
Bukod sa BPIU executive, ibinasura din ng defense team ni Duterte ang 15 pang bank officials na ipinatawag upang tumestigo sa financial records nito at asawang si Atty. Manese Carpio na nabulgar sa Senado na umabot sa mahigit P817 milyong hidden wealth.
Binanggit ng mga prosecutor, na may halong pagkadismaya, na hindi pa direktang hinahamon ng depensa ang alegasyon na nakapag-ipon si Duterte ng P817 milyon na unexplained wealth, batay sa computation ng financial forensic expert na si Alexander Cabrera.
Sinabi nila na pinili pa ng kanyang legal team na ipaliwanag ang P205,007 Tokyo dinner at P256,882.50 Nike shoe purchase sa Kuala Lumpur, na parehong naka-charge sa credit card ng asawa ni Duterte na si Carpio.
Ang testigong ibinasura nitong Huwebes ay si BPI senior vice president Paul Roderick Ysmael.
Sinabi ni defense counsel at spokesperson Michael Poa sa Senate impeachment court nitong Huwebes na kailangan lamang si Ysmael upang patotohanan ang isang liham na kanyang isinulat.
Ipinaliwanag ni Poa na kinilala na niya ang authorship ng liham sa open court at ito ay namarkahan na rin bilang defense evidence.
Sinabi ng mga prosecutor na nais nilang tanungin ang BPI executive hinggil sa isang bank letter na nagsasaad na may dollar accounts ang Bise Presidente, gayundin ang mga records na makakatulong na linawin ang isyu ng account.
“We were surprised. Well, it’s their prerogative. They decided not to call him anymore,” pahayag ni prosecution counsel Benjamin Tolosa Jr. sa isang press briefing.
Biniro naman ni House prosecutor Joel Chua na tumugon lamang ang depensa sa mga isyu para sa social media consumption.
Dollar accounts
Ipinahayag sa korte ni private prosecutor James Bryan Ibrahim Alih na balak sanang tanungin ng prosekusyon si Ysmael tungkol sa BPI records na may kinalaman sa dollar accounts ni Duterte.
Binanggit niya ang isang bank letter na nagsasaad na may dollar accounts ang Bise Presidente, na sinabi ng mga prosecutor na hindi nila nakita noon dahil ang subpoena ay hindi partikular na sumasaklaw sa dollar accounts.
“Unfortunately, before we had a chance to cross-examine the witness about this dollar account, they dispensed with the testimony, so we were not able to ask about that anymore,” pahayag ni Tolosa sa posttrial briefing.
Sinabi ni presiding officer Francis “Chiz” Escudero na prerogative ng depensa na pumili kung aling mga testigo ang ihaharap. Maaaring ihain ng mga prosecutor ang kanilang interpretasyon sa mga dokumento matapos magpahinga ang depensa, sa pamamagitan ng rebuttal evidence o memorandum, ngunit hindi nila maaaring palitan ang kanilang interpretasyon para sa mga records na hindi pa inihaharap sa korte.
Muling lumutang ang isyu ng BPI account noong unang bahagi ng Oktubre nang tumestigo si Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura na si Sara at ang kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay may joint account sa Julia Vargas branch ng bangko sa Pasig City.
Sinabi niya na P9.1 milyon ang winithdraw over the counter sa isang transaksyon noong Abril 8, 2013, batay sa covered transaction report na tumutukoy sa kanilang dalawa bilang account holders.
Unang lumutang ang account sa mga alegasyon ni dating Sen. Antonio Trillanes IV noong 2016 presidential campaign ni Rodrigo Duterte.
Ibinulgar dati ni Trillanes na ang dating pangulo at ang kanyang anak na babae ay may hindi idineklarang bank deposits na hindi makikita sa kanilang statements of assets, liabilities and net worth (SALNs), at accounts na naglalaman ng hanggang P227 milyon.
Itinanggi ni Rodrigo Duterte na mayroon siyang daan-daang milyong piso sa hindi idineklarang pondo. Inamin niya na mayroon siyang BPI accounts ngunit kinuwestiyon niya ang mga claim ni Trillanes tungkol sa kanilang balances. Hindi siya pumirma ng bank secrecy waiver na hiniling ni Trillanes upang payagan ang pagsusuri sa mga account.
Bank witnesses
Ang 15 pang bank officials na ibinasura ng depensa nitong Miyerkules ay sina Olivia Barcarse at Alvin Go ng BDO Unibank; Cesar Bernard Coloma ng BPI; Marino Buban Jr. ng EastWest Bank; Joselito Vallada ng Landbank; Janella Marie Panlilio ng Metrobank; Jose Manuel Jr., Rodel Mediavillo at Mary Ann Candaroma-Morales ng PSBank; Joseph Anthony Lopez ng Security Bank; at Joselito Banaag, Louiemel Panes, Rogelio Villos Jr., Jayah Deneserie Scalf at Gemma Lynn Del Mundo ng UnionBank.
Hiwalay na ibinasura ng depensa si Quezon City prosecutor Vimar Barcellano matapos pumayag ang prosekusyon na mag-stipulate sa authenticity ng mga public documents na inaasahan niyang tutukuyin.
Sinabi ni prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi pa napabulaanan ng depensa ang computation ng financial forensic expert na si Alexander Cabrera, na naglagay sa umano’y unexplained wealth ni Duterte sa P817 milyon.
“What we were expecting was for the defense to explain the P817 million. They should debunk the P817 million,” pahayag ni Adiong. “What they showed was only more than P200,000 worth of bill and another P250,000 worth of shoes. If you sum it up, that’s only less than P500,000.”
Pagsapit ng pagtatapos ng Day 43 nitong Huwebes, nakapagharap na ang depensa ng anim na testigo sa loob ng apat na hearing days ngunit hindi pa direktang hinahamon ang estimate ni Cabrera. Ernie Reyes