MANILA, Philippines – Naniniwala ang prosecution panel na hindi pa napapabulaanan ang mga alegasyon sa ilalim ng Article II ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, sa kabila ng pagpaprisinta ng kanyang mga abogado ng anim na testigo sa loob ng apat na araw.
Saklaw ng Article II ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte at mga iniulat na paglabag kaugnay ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ayon kay prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, maaaring indikasyon ng pagbabago sa estratehiya ng depensa ang desisyon nitong bawiin ang pagpaprisinta sa ilang testigo.
Sa ika-43 araw ng paglilitis, sinabi ng kampo ni Duterte na hindi na nito tatawagin ang ilan sa mga naunang nakalistang testigo, kabilang si Bank of the Philippine Islands senior vice president at abogado Paul Roderick Ysmael.
“It only manifests how the defense is now panicking. They’re trying to re-strategize again their initial, probably initial attempt to attack the case of the prosecution,” pahayag ni Adiong.
Sinabi rin niyang hindi umano naging matagumpay ang mga naunang testigo ng depensa sa layunin nilang kontrahin ang kaso ng prosekusyon.
Kabilang sa mga testigong pinuna ang Davao City Assessor na si Engr. Jaime Adalin at Davao City Accountant Vingelin Bajan, na kapwa nahirapang sumagot sa ilang tanong tungkol sa kanilang mga dokumento at personal na transaksyon.
Iniharap si Adalin upang patunayan na nakasaad sa SALN ni Duterte ang lupang pag-aari ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio sa Barangay 74-A, Davao City. Ayon kay Adalin, ang 379-square-meter na lote sa Matina Crossing na nakapangalan kay Carpio ay siya ring ari-ariang nakalista sa SALN ng bise presidente.
Gayunman, hindi umano maalala ni Adalin ang mga detalye ng kanyang biyahe sa China noong 2025 nang tanungin siya ng prosekusyon.
Samantala, hindi rin umano maalala ni Bajan kung lumagda siya sa mga dokumentong may kaugnayan sa Articles of Partnership ng accounting firm na Ampil, Elises, Ciudadano & Co. CPAs. Ayon sa prosekusyon, ang naturang kompanya ang nagsagawa ng audit sa ilang kumpanyang may kaugnayan kay Duterte, kabilang ang Gencorp Industries Inc.
Iniharap naman ng depensa si Bajan upang patunayang ang perang natanggap ni Duterte mula sa Davao City noong 2023 ay bayad sa naantalang suweldo batay sa salary adjustments.
Pinuna rin ni Adiong ang testimonya ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng Gencorp at Metro City Chow Foods Corp., na nagsabing nakatanggap si Duterte ng P2.14 milyon mula sa Gencorp mula 2022 hanggang 2025 bilang “return of capital” mula sa umano’y puhunan nito sa isang sangay ng Jollibee sa Davao City.
Subalit wala umanong naipakitang nakasulat na dokumento ang testigo na magpapatunay sa halaga at mga kondisyon ng orihinal na puhunan ni Duterte o magpapaliwanag sa batayan ng mga bayad.
Dahil dito, kinuwestiyon ng ilang senator-judge kung ang naturang pera ay pagbabalik lamang ng puhunan o aktuwal na kita.
Dagdag pa ni Adiong, nauna nang nagpatotoo ang mga bank manager tungkol sa mga account nina Duterte at Carpio at sa mga natitirang balanse ng mga ito na hindi umano isinama sa SALN ng bise presidente.
Samantala, sinabi naman ni public prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na tila mas nakatuon sa drama at social media content ang depensa ni Duterte kaysa sa pagsagot sa mahahalagang alegasyon ng prosekusyon.
Ani Chua, hindi umano iniharap ang dalawang testigong tumestigo nitong Huwebes upang pabulaanan ang ulat ni financial forensic expert Atty. Alexander Cabrera.
Nagpatotoo si Cabrera noong Oktubre 9 na hindi umano idineklara ni Duterte sa kanyang SALN ang mga ari-ariang nagkakahalaga ng P817 milyon mula 2022 hanggang 2025.
Kabilang din sa mahahalagang ebidensyang binanggit ni Chua ang testimonya ni Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura, na nagsabing may P4.4 bilyong halaga ng mga kahina-hinalang transaksyon sina Duterte at Carpio. RNT/MDS