MANILA, Philippines – Umabot umano sa hindi bababa sa P213 milyon ang “commitment fee” na ibinigay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kay Senator Jinggoy Estrada kaugnay ng P855 milyong halaga ng mga proyekto sa dalawang district engineering office sa Bulacan, ayon kay state witness at dating DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara.
Inilahad ni Alcantara ang testimonya sa bail hearing ni Estrada, na nahaharap sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y P573 milyong kickback scheme sa flood control projects.
Ayon kay Alcantara, ibinatay niya ang impormasyon sa sinabi sa kanya ng kapwa state witness na si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Sinabi niyang nakatakda umanong tumanggap si Estrada ng 25 porsiyentong commitment fee bilang proponent ng P355 milyong halaga ng mga proyekto sa Bulacan First District Engineering Office at P500 milyon naman sa Bulacan Third District Engineering Office.
Katumbas ito ng P88 milyon mula sa mga proyekto sa First District at P125 milyon mula sa Third District.
Ayon kay Alcantara, iniutos umano ni Bernardo na kolektahin ang commitment fee para sa P500 milyong proyekto upang maisabay ang paghahatid ng pera para sa dalawang tanggapan sa Diamond Hotel.
“For this particular amount of P355 million, this is only senator Estrada,” pahayag ni Alcantara nang tanungin ng abogado ng depensa kung sino ang proponent ng mga proyekto.
“P88 million was [set to be] delivered [to Diamond Hotel for Estrada] for P355 million. It was Usec Bernardo who told me to collect [the commitment for] P500 million, na isabay na iyong sa Bulacan Third DEO [na commitment fee] para isang bagsakan,” sinabi ni Alcantara sa Sandiganbayan Fifth Division.
“Lahat ng perang kinolekta ko binigay ko kay Usec Bernardo,” dagdag niya.
Sinabi ni Alcantara na nangyari ang paghahatid ng pera sa Diamond Hotel noong ikalawang quarter ng 2025.
Gayunman, nilinaw niyang hindi niya personal na nakausap o nakatransaksyon si Estrada. Kay Bernardo lamang umano siya nakikipag-ugnayan tungkol sa pagsusumite ng listahan ng mga proyekto at pagkolekta ng commitment fees. RNT/MDS