MANILA, Philippines – Posibleng magkaroon ng pagkaantala sa mga e-mail at iba pang transaksyon sa Korte Suprema dahil sa nararanasang worldwide service outage ng Microsoft 365.
Apektado ng aberya ang Philippine Judiciary 365 (PJ365), kabilang ang Microsoft Outlook.
Dahil dito, nagbabala ang Korte Suprema sa publiko na maaaring maantala ang pagtugon sa mga e-mail at pagproseso ng iba pang transaksyon.
Tiniyak naman ng Korte Suprema na nakikipag-ugnayan na ito sa Microsoft upang maibalik sa normal sa lalong madaling panahon ang lahat ng apektadong serbisyo ng PJ365.
Maglalabas din ang korte ng karagdagang update kung kinakailangan.
Nagpasalamat ang Korte Suprema sa pang-unawa at pasensya ng publiko habang nararanasan ang pansamantalang pagkawala ng serbisyo. Jocelyn Tabangcura-Domenden