CAVITE, Philippines – Arestado ang isang 20-anyos na dalaga matapos umanong mahulihan ng shabu habang dumadalaw sa isang kamag-anak na nakakulong sa custodial facility ng General Trias City Police Station.
Kinilala ang suspek sa alyas na Joy, residente ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon nang dumating ang suspek sa himpilan upang dalawin ang nakakulong na kamag-anak.
Bago makapasok, isinailalim siya sa inspeksyon alinsunod sa protocol ng pulisya. Habang sinusuri ng duty police ang pagkaing dala nito, nadiskubre ang isang plastic sachet na naglalaman umano ng shabu.
Agad na inaresto ang dalaga at ipinaalam sa kanya ang paglabag na isinampa laban sa kanya.
Tinatayang 1.38 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱9,384 ang nakumpiska mula sa pagkain.
Dinala ang nakumpiskang droga sa Provincial Forensic Unit sa Imus City para sa laboratory examination habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa suspek. MARGIE BAUTISTA