Home NATIONWIDE Paglabas ng warrant of arrest vs Quiboloy, ‘di itinaon sa pagdating ni...

Paglabas ng warrant of arrest vs Quiboloy, ‘di itinaon sa pagdating ni Trump sa Pinas – Malakanyang

2
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Malakanyang na itinaon ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 145 ang pagpapalabas ng extradition warrants of arrest at hold departure orders (HDO) laban kina Pastor Apollo Quiboloy, Teresita Dandan, at Helen Panilag nitong Nobyembre 12, 2023 sa pagdating ni US President Donald Trump para dumalo sa 49th ASEAN Summit.

Si Quiboloy ay nahaharap sa mga seryosong akusasyon mula sa Estados Unidos na kinabibilangan ng conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, and coercion, sex trafficking of children, conspiracy to commit sex trafficking, at bulk cash smuggling.

‘Hindi, nagkataon lang siguro. long overdue na ito,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sabay sabing matagal na aniya ang U.S. extradition request kay Quiboloy at makapal na rin aniya ang ebidensiya ukol sa usaping ito.

Ang mga akusasyong ito ay nag-ugat sa isang indictment na inilabas noong Nobyembre 2021 sa US District Court for the Central District of California, na nagtulak sa Federal Bureau of Investigation (FBI) na maglabas ng “wanted” poster para kay Quiboloy noong Enero 2022.

Sa kabila ng mga kasong ito, patuloy na itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang at iginiit na hindi siya susunod sa hurisdiksyon ng Estados Unidos, binabanggit ang mga alalahanin sa kanyang kaligtasan at karapatan sa due process, at sinasabing biktima siya ng pampulitikang pag-uusig.

Bukod sa extradition case, nahaharap din si Quiboloy sa magkahiwalay na kaso sa Pilipinas, kabilang ang qualified human trafficking at child abuse, na isinampa ng Department of Justice (DOJ) noong Marso 2024, na nagresulta sa pagpapalabas ng mga arrest warrant mula sa mga korte sa Davao at Pasig.

Batay sa naging pagpapasya ng hukuman sa Makati, nakakita ito ng probable cause na ang tatlo ang siyang mga indibidwal na pinangalanan sa mga arrest warrant at sakdal sa Estados Unidos, at ang mga kasong ipinaparatang sa kanila ay saklaw ng extradition.

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapalabas ng mga warrant at HDO, na sumusunod sa pormal na paghahain ng petisyon ng Estados Unidos para sa extradition ng tatlo noong Nobyembre 9, 2023.

Ang pagpapalabas ng extradition warrant at hold departure order ay isang mahalagang hakbang sa proseso ng extradition, na nagpapahiwatig na may sapat na batayan ang korte upang ipagpatuloy ang pagdinig sa extradition. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here